SERYOSO ang pandaigdigang problema sa kawalan ng bagong antibiotics laban sa tumitinding banta ng antimicrobial resistance, ayon sa report ng World Health Organization (WHO) na nananawagan sa mga gobyerno at mga industriya na agarang tutukan ang pananaliksik at paglikha ng mga bagong antibiotics.
Ibinunyag sa report na karamihan sa mga gamot na nililikha ngayon ay upgrade lamang ng mga dati nang antibiotics, at maituturing na panandaliang solusyon lang—nangangahulugang limitado lamang ang opsiyon sa gamutan sa mga impeksiyong ayon sa WHO ay hindi na tinatablan ng antibiotics at maituturing ngayong pinakamatinding banta sa kalusugan, kabilang ang drug-resistant tuberculosis na pumapatay sa nasa 250,000 katao bawat taon.
“Antimicrobial resistance is a global health emergency that will seriously jeopardize progress in modern medicine,” sabi ni WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus.
“There is an urgent need for more investment in research and development for antibiotic-resistant infections including TB, otherwise we will be forced back to a time when people feared common infections and risked their lives from minor surgery,” babala pa ni Ghebreyesus.
Tinukoy sa report ang paglikha sa 51 bagong antibiotics upang bigyang-lunas ang mga prioridad na antibiotic-resistant pathogens, subalit walo lamang sa mga ito ang tinukoy ng WHO bilang bagong gamot na madadagdag sa hilera ng mabibisang antibiotics.
Lubhang kakaunti ang oral antibiotics sa merkado, ngunit mahalaga ang mga ito sa pagbibigay-lunas sa mga impeksiyon sa labas ng ospital o sa mga lugar na limitado lamang ang mapagkukunan nito.
“Pharmaceutical companies and researchers must urgently focus on new antibiotics against certain types of extremely serious infections that can kill patients in a matter of days because we have no line of defense,” apela ni Dr. Suzanne Hill, director ng Department of Essential Medicines ng WHO.
Gayunman, hindi pa rin sasapat ang mga bagong gamutan laban sa banta ng antimicrobial resistance. Nakikipagtulungan ang WHO sa mga bansa at mga kumpanya upang mapag-ibayo ang pag-iwas at pagkontrol sa mga impeksiyon, at isulong ang tamang paggamit sa mga kasalukuyan at sa mga malilikha pang antibiotics. - PNA