Ni: Mary Ann Santiago

Nalagutan ng hininga ang isang holdaper matapos manlaban sa mga pulis nang biktimahin nito ang isang hotel receptionist sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na isinugod pa sa Ospital ng Maynila ngunit nasawi rin dahil sa tinamong mga bala sa katawan.

Sa ulat ni PO1 Elpidio Ammogawen, Jr., ng Manila Police District (MPD)-Station 9, naganap ang engkuwentro sa Mabini Street, malapit sa kanto ng Quirino Avenue sa Malate, dakong 2:45 nang madaling araw.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Una rito, nakatanggap ng sumbong ang awtoridad mula sa biktimang si Tricia Dizon, 23, hinggil sa panghoholdap sa kanya ng armado habang naghihintay ng masasakyang jeep.

Tinangay umano ng suspek mula sa biktima ang Samsung Galaxy Grand Prime na nagkakahalaga ng P12,000 at wallet na may lamang P200.

Agad namang rumesponde ang mga pulis at hinanap ang suspek.

Namataan nila ang suspek, na nakasuot ng itim na sando at maong pants, na naglalakad sa Mabini St., at kanilang kinorner.

Gayunman, sa halip na mapayapang sumuko ay bumunot umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga alagad ng batas.

Dito na napilitan ang awtoridad na gumanti na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.

Narekober mula sa suspek ang isang .38 caliber revolver, isang balisong at dalawang pakete ng hinihinalang shabu, gayundin ang cell phone at wallet ng biktima.