Ni REGGEE BONOAN
NAKAUSAP namin nang sarilinan sa presscon ng Last Night si Direk Joyce Bernal at tinanong kung may alam siya tungkol sa isyu o tampuhan nina Coco Martin at Vice Ganda na sinasabing dahilan kaya hindi nagsama ngayon sa iisang pelikula.
“Meron akong alam, pero hindi ko alam,” nakakalitong sagot ni Direk Joyce. “Hindi naman nagkukuwento si Vice. Saka si Vice ngayon, happy kaya I guess it’s a good competition. Baka kailangan din para lumevel-up ‘yung gusto mong gawin at kung ano ang ini-expect mo sa career mo.
“Grabe, ang taas ng expectation ni Vice sa (The Revengers). Saka dati kasi ang inoohan kong project, kay Coco, nu’ng nalaman ni Vice, sumabay siya. Nag-usap sila ni Coco bilang magkaibigan, kaya nabuo ‘yung Super Parental Guardians,” kuwento ni Direk Joyce.
Walang maibigay na kumpletong detalye si Direk Joyce, mas mabuting sina Coco at Vice na lang daw ang tanungin namin para mas klaro.
At tungkol sa hindi na pagsasama ng dalawa sa pelikula para sa 2017 Metro Manila Film Festival, nabanggit niyang magkaibang concept ang gustong gawin nina Coco at Vice.
Obviously, comedy kay Vice kasama sina Daniel Padilla at Pia Wurtzbach at seryosong action-fantasy naman kay Coco, Ang Panday.
Speaking of Coco, sa FPJ’s Ang Probinsyano, mukhang malapit nang mabuko siya bilang si Fernan nina Pinuno/Leon (Lito Lapid), Amang (Dante Rivero), Alakdan (Jhong Hilario) at Anton (Mark Lapid). Nahahalata nila na lagi siyang umaalis na may dalang pagkain.
Diretso na nga siyang tinanong ni Alakdan kung nahanap na niya ang mga bihag na nakatakas - sina Geraldo de la Paz (Ejay Falcon) at Katrina Velasco (Louise de los Reyes).
Pinagdududahan na ang mga ikinikilos ni Fernan pero nangako ang dalawang kaibigan niyang sina Bulate at Butete na hindi siya isusuplong at nagpayo na huwag na niyang dalasan ang pag-alis para hindi siya mahalata.
Bago nagtapos ang episode ng FPJAP nitong Biyernes, sina Butete at Bulate ang naghatid ng pagkain kina Ejay at Louise. Ang tanong, paano kung matunton sila ng grupo nina Alakdan at Anton?
Anyway, abot-tenga ang ngiti ng Team Ang Probinsyano dahil pawang magagandang feedback ang naririnig nila mula sa viewers lalo na ngayong painit na nang painit ang tumatakbong kuwento.