Ni Mary Ann Santiago

Isang lalaking nagtapos sa University of Santo Tomas (UST) ang nanguna sa katatapos na Physician Licensure Examination, ayon sa Professional Regulation Commission (PRC).

Gullas copy

Sa report ng PRC, nabatid na si Vincent Edouard Anthony Retardo Gullas ng UST ang nag-top one sa naturang pagsusulit, matapos na makakuha ng score na 90.50.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Nag-tie naman sa ikalawang puwesto sina Jan David Choa Monzon, at Robert Carandang Reña, ng De La Salle University-Health Sciences Institute, na nakakuha ng 90.08 na score, habang nasa ikatlong puwesto si Karl Phillip Lumio Avillo, ng West Visayas State University-La Paz sa score na 90.00.

Bukod sa kanila, pasok din sa top 10 sina Marc Vincent Ngo Barcelona, ng UST (89.83); Ana Eryka Elaine Adriano Peralta, ng UST (89.67); Aldric Cristoval Chua Reyes, ng University of the Philippines-Manila (89.58); Mark Andrian Orilloza Yano, ng Cebu Institute of Medicine (89.50); Stephanie Marie Carbon Seno, ng UST (89.42); Simon Lim Go, ng UST (89.33); at Kelvin Ken Lee Yu, ng UST (89.25).

Kabuuang 4,064 ang kumuha ng pagsusulit ngunit 3,340 lamang sa kanila ang nakapasa.

Ayon sa PRC, ang registration para sa pag-iisyu ng Professional Identification Card (ID) at Certificate of Registration ng mga bagong doktor ay isasagawa online simula sa Miyerkules, Setyembre 27, hanggang Oktubre 3, 2017.

Napaulat na ito na ang ikalawang beses na nanguna sa isang licensure exam si Gullas, na makaraang magtapos sa Velez College sa Cebu City noong 2012 ay nag-top one rin sa Medical Technology Licensure Examination.

Si Gullas ay kapatid ni Cebu 1st District Rep. Samsam Gullas at apo ni Talisay City Mayor Eddie Gullas. Nag-post pa kahapon sa Facebook ng kani-kanilang pagbati para kay Vincent ang alkalde at ang kongresista.