Ni GILBERT ESPEÑA
TINIYAK ni world rated Jhack Tepora na hindi siya magiging biktima ng hometown decision nang patulugin sa 2nd round si IBO featherweight champion Lusanda Komanisi kamakalawa ng gabi sa Orient Theatre sa East London, South Africa.
Nakipagsabayan si Tepora sa mas malaking si Komanisi na bumagsak nang tamaan niya nang matinding right hook sa tenga sa ikalawang yugto ng sagupaan. Nagtangka pang bumangon si Komanisi pero napaluhod kaya itinigil ng referee ang laban para ibigay sa Pinoy boxer ang WBO Inter-Continental featherweight crown.
Nakalista ngayon si Tepora bilang No. 7 sa junior bantamweight division na kampeon ang Mexican American na si Jessie Magdaleno ngunit tiyak na papasok siya sa top ten rankings ng WBO sa susunod na buwan sa kanyang impresibong panalo.
“We got a call from South Africa offering Jhack to take on Komanisi,” sabi ng manedyer ni Tepora na si James Osorio
sa Philboxing.com bago ang laban. “We accepted the fight because we want to know how Jhack would perform on the road.
That’s a test to see if he really has it. If he wins against Komanisi then we will start positioning him up for a world title.”
Napaganda ng 24-anyos at tubong Cebu City na si Tepora ang kanyang rekord sa perpektong 21 panalo, 16 sa pamamagitan ng knockouts samantalang bumagsak si Komanisi sa 21-4-0 na may 18 pagwawagi sa knockouts.