Ni JERRY J. ALCAYDE

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Isang dating alkalde at ngayon ay incumbent vice mayor ng bayan ng Roxas sa Oriental Mindoro ang napatay makaraang barilin habang nagpapa-carwash sa Roxas, nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ni Senior Supt. Christopher C. Birung, director ng Oriental Mindoro Police Provincial Office (PPO), ang pinaslang na si Roxas Vice Mayor Jackson C. Dy, 58, may asawa, taga-Magsaysay St., Barangay Bagumbayan.

Batay sa paunang imbestigasyon, dakong 4:30 ng hapon nitong Biyernes at nanonood ng telebisyon si Dy habang hinihintay ang paglilinis sa kanyang kotse sa Christian Car Wash sa Bgy. Dangay nang lapitan siya at barilin ng nag-iisang suspek.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Senior Supt. Birung, matapos barilin ang bise alkalde ay kaagad na sumakay ang suspek sa isang naghihintay na motorsiklo at umangkas sa hindi nakilalang rider bago tumakas.

Sinabi pa ni Senior Supt. Birung na kasama ng bise alkalde ang tatlong taong gulang niyang anak na babae nang patayin ito.

Samantala, sinabi naman ni Chief Insp. Aldwin R. Santos, hepe ng Roxas Police, na nagkasa na sila ng manhunt operation laban sa pangunahing suspek na si Benjamin Buruanga, alyas Bangie, 42, ng Bgy. San Mariano. Ang hindi naman nakilalang motorcycle rider ay nasa 5’ ang taas, maitim at maiksi ang buhok.

Ayon kay Chief Insp. Santos, dating nakapiit sa Roxas provincial jail si Buruanga at pinalaya nitong Setyembre 13 lamang makaraang ibasura ng korte ang kasong murder laban dito.

Nabatid na may kinalaman si Dy sa pagkakakulong ni Buruanga noong alkalde pa ang una. Sinabi umano ng suspek na kapag nakalaya siya ay papatayin niya si Dy.