NEW YORK (AP) — Hindi na kabilang si Carmelo Anthony sa training camp ng Knicks. Biyahe ang four-time Olympic champion sa Oklahoma City para makiensayo kina MVP Russell Westbrook at Paul George.
Tinanggap ng Knicks ang trade ni Anthony sa Thunder nitong Sabado (Linggo sa Manila), kapalit nina Enes Kanter, Doug McDermott at draft pick, ayon sa source na may direktang kinalaman sa usapin.
Ipinahayag ng naturang source sa The Associated Press ang istorya sa hiling na huwag mabangit ang kanyang pangalan hangga’t hindi pa pormal na inihahayag ang trade.
Nauna rito, ipinahayag ng Knicks na inaasahan nilang kabilang si Anthony sa darating sa training camp sa Lunes. Ngunit, bukas na libro ang kagustuhan ng magkabilang panig na tapusin na ang samahan at hayaang lisanin ni Anthony ang New York na nabigo na makamit ang minimithi mula nang makuha siya mula sa Denver noong 2011.
Sa nakalipas na anim na season, walangchampionship core ang New York, taliwas sa Oklahoma City kung saan makakasama niya ang last season MVP at kapwa All-Star na si George, nakuha mula sa Indiana nitong summer.
Makakasalamuha ni Anthony ang mga dating kasangga sa pagtutuos ng Knicks at Thunder sa opening day ng season sa Oktubre 19.
Para maganap ang trade, nag-waive si Anthony sa no-trade clause na nilagdaan niya sa Knicks.
Matagal nang nais ni Phil Jackson na ma-trade si Anthony, ngunit mahirap i-deal ang 33-anyos na forward bunsod nang dalawang taon nalalabi sa kanyang kontrata na nagkakahalaga ng US$54 milyon, gayundin ang no-trade caluse.
Sa panahon ni Anthony, nagawang makausad ng Knicks sa playoffs sa unang tatlong season at nakausad sa second round noong 2013, kung saan nanguna si Anthony sa liga na may 28.7 puntos kada laro. Ngunit, mula roon hindi na nakatikim ng playoff ang New York.
Sa nakalipas na season, tangan ni Anthony ang averaged 22.4 puntos at nakasama sa All-Star Game sa ika-10 pagkakataon.
Kaagad namang nag-post ng video message si Kanter, ang 6-foot-11 center mula sa Turkey at third pick sa 2011 draft, kung saan pinasalamatan niya ang mga tagahanga sa Oklahoma City.
“It’s a new adventure for me. New York, so please pray for me,” aniya.