SA buong bansa nitong Huwebes, Setyembre 21, itinampok sa National Day of Protest ang kabi-kabilang rally, demonstrasyon, at pagtitipon, isinulong ang kani-kanilang paninindigan sa iba’t ibang usapin pero sa pangkalahatan ay nanawagan ng respeto sa karapatang pantao.

Ang araw ay ika-45 anibersaryo rin ng proklamasyon ng batas militar noong 1972, ngunit bagamat ito ang pinagtuunan ng mga raliyista sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City, kung saan inalala ng isang nakaligtas sa kalupitan ng batas militar ang kanyang kahindik-hindik na mga karanasan, ang mga aktibidad sa iba’t ibang panig ng bansa ay higit na tumalakay sa mga nangyayari sa ating bansa sa ngayon.

Sa University of the Philippines (UP) Parish of the Holy Sacrifice sa Diliman, Quezon City, pinangunahan ng Kaya Natin Movement, Tindig Pilipinas, at iba pang grupo ng kabataan ang isang “Mass for Justice”. Dinaluhan ito nina Vice President Leni Robredo at dating Pangulong Benigno S. Aquino III.

Sa Rizal Park, kinondena ng Movement Against Tyranny ang pagpatay kay Kian delos Santos at sa iba pang menor de edad, ang iba pang mga pamamaslang kaugnay ng kampanya kontra droga, gayundin ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanao.

Nagkaroon din ng kaparehong mga kilos-protesta sa mga lalawigan. Sa Iloilo, nagdaos ng symposium ang Philippine Ecumenical Peace Platform tungkol sa mga dahilan ng mga armadong labanan at mga pagpatay. Lumahok ang Bayan Pinoy, Akbayan, at iba pang mga grupo sa rally sa labas ng campus ng UP Visayas at sa bakuran ng kapitolyo ng Iloilo.

Pinangunahan naman ng Dakila Iloilo Collective ang pagtitipon na nakatuon sa pamamaslang kina Kian delos Santos, Carl Arnaiz, at Reynaldo De Guzman.

Sa Tacloban City, nanguna ang Freedom from Debt Coalition sa mga grupong nagsama-sama para pasinayaan ang marker para sa paring Redemptorist na si Fr. Rudy Romano, na dinukot ng mga armadong lalaki sa Cebu City, at hanggang ngayon ay hindi pa malaman kung ano na ang sinapit.

Tinawag ito ni Pangulong Duterte bilang Day of Protest, ngunit pinili ng iba na samantalahin ito upang ipamalas ang kanilang suporta. Nagtipun-tipon sila sa Plaza Miranda sa Quiapo suot ang mga kamisetang kulay asul, orange, at puti.

Ibinandera nila ang mga programa ng gobyerno sa kurapsiyon, kapayapaan at katatagan, at pangako ng tunay na pagbabago.

Sa Baguio City, pinili ng mga nag-organisa ng “Peace Buzz”—Biyaheng Kapayapaan Caravan—ang araw upang ilunsad ang isang proyekto na magpapakita ng pakikipag-isa ng mamamayan ng Cordillera sa mga taga-Marawi. Magbibiyahe ito sa Quezon City, Legaspi City, Catbalogan City, Butuan City, Davao City, Cotabato City, Iligan City, diretso sa Marawi City para sa seremonya ng pagtatapos ng National Peace Consciousness Month.

Ilang araw bago ang Day of Protest, nagpalabas ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ng pastoral letter na nananawagang tigilan na ang mga nangyayaring patayan sa nakalipas na mga buwan, partikular ang pamamaslang sa tatlong teenager na sina Kian, Carl, at Reynaldo.

Nanawagan ang mga obispo para sa pananalangin, hindi lamang para sa mga napatay sa kampanya kontra droga, kundi maging sa mga nasawi sa digmaan sa Marawi. Umapela sila para sa pagpapatunog ng mga kampana ng simbahan tuwing 8:00 ng gabi sa loob ng 40 araw, sa pagsisindi ng kandila bilang paggunita sa mga yumao, at sa pagkakaloob ng kontribusyon upang suportahan ang pag-aaral ng mga batang naulila.

“Lord heal our land,” bahagi ng dasal sa liham. Matapos ang lahat ng kilos-protesta—at sa harap ng nagpapatuloy na bakbakan sa Mindanao—mas makabubuti para sa bansa at sa mga opisyal nito ang pagtuunan ang pagwawasto sa anumang pag-abuso at pagsasamantala, ang pagbubuklod sa mga nakararamdam na hindi sila kabilang, ang paghilom at pagpapatatag sa ating bansa.