Ni ZEA C. CAPISTRANO

DAVAO CITY – Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na bumaba na mula sa kabundukan at sumuko sa pamahalaan, dahil kung susuportahan siya ng Kongreso ay nais niyang bigyan ng general amnesty ang mga ito.

“Bumaba kayo para wala nang away,” sinabi ni Duterte nang harapin niya ang mga mamamahay sa Matina Enclaves sa Davao City nitong Biyernes ng gabi.

“Maybe, just maybe, Congress will agree with me, I will just declare a general amnesty,” dagdag pa ng Pangulo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“I think in the next few months maraming magbabaan. Ito walang harassment, hindi ako mag-account kung ilan ang pinatay ninyo,” aniya pa.

Nangako rin si Pangulong Duterte na bibigyan ng housing unit ang mga susukong miyembro ng NPA, habang ang mga “kuwalipikado” ay kukunin naman niya ang serbisyo bilang mga sundalo ng pamahalaan.

Aniya, kahit pa patuloy na makipagbakbakan ang NPA sa militar sa susunod na 50 taon, wala namang mapapala ang mga ito.

“Ano pang gawin n’yo sa buhay? Magtakbo? Magpaputok? Mamatay? Pati gutom, sakit?” tanong ni Duterte.