Ni: Reggee Bonoan
BINIRO namin si Direk Joyce Bernal sa presscon ng pelikulang Last Night na balik-tambalan nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga na nakikini-kinita namin na panay ang kulitan nila sa set dahil magkakaibigan sila pati na si Bela Padilla na sumulat ng script at ang producers ng N2 Productions na sina Neil Arce at Boy 2 Quizon.
“Oo, wala kaming ginawa kundi magtawanan magkulitan,” bungad ni Binibining Joyce nang masolo namin pagkatapos ng Q and A.
Pero kahit nagkukulitan ang grupo, mas maaga nilang natapos ang pelikula. Dapat sana ay 30 shooting days sila, pero naging 29 days lang.
“Sabi ni Neil, bigyan kita ng 30 (days), pero supposedly ano lang ‘yan (maikli pa),” sabi ng direktora na isa rin sa mga producer kasama si Piolo Pascual for Spring Films.
Klinaro ni Direk Joyce na isang timeline lang ang Last Night taliwas sa kumalat na tsikang magkaibang timeline ito at nabanggit din ni Neil sa Q and A na hindi tungkol sa suicide ang kuwento ng pelikula.
Back to basics ang usong pelikula ngayon o dalawa lang ang bida hindi katulad sa ibang maramihan o tinatawag na chopsuey, kaya hindi naiwasang ikumpara ang Last Night sa Kita Kita nina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi.
“‘Yung pelikula namin na Kita Kita at ito, parang pareho lang sila, pero para sa akin, mas iba ito. Mas ibang experience, ‘yun talaga, experience mo ng Japan, napaka-intimate. Intimate rin ito kasi ‘yung romance rito, mas pinush ko pa,” pagkukumpara ni Binibining Joyce.
Kilala si Direk Joyce na nakikialam din kung minsan sa script kaya tinanong namin kung may binago siya.
“Nagbago kami ng lines, isang eksena lang na parang revelation ni Piolo kung bakit siya magpapakamatay, nag-iba kami nina Bela. Nag-research kasi kami, so binago namin ‘yung lines based sa nalaman naming sagot sa research ng magpapakamatay,” pag-amin ni direk Joyce.
Magpapakamatay pala si Piolo, bakit sinabi ni Neil na hindi tungkol sa suicide ang pelikula?
“Magpapakamatay sila (Piolo at Toni) nu’ng time na nagkita sila, after then on, wala na. Hindi na siya tungkol sa pagpapakamatay, pero iyon ‘yung ginagawa nila pero hindi na iyon ‘yung nangyari,” paliwanag sa amin.
Nabanggit ni Piolo na may immersion sila habang ginagawa nila ang pelikula.
“Sa mga restaurant namin dapat imi-meet ‘yung mga iinterbyuhin namin, pero maraming tumanggi kaya naging through phone lang ang pag-uusap. Meron kaming mga nakausap na recent na nag-attempt magpakamatay pero nabuhay. ‘Yun ‘yung mga nakausap namin. Nagamit namin sa movie.
“Nirespeto namin ‘yung mga gustong mag-suicide kahit ang tingin ni Piolo is stupid na gawin ng isang tao, pero nirespeto niya kung anuman ‘yung pinagdadaanan at hindi na kaya talaga ‘yung pain or hindi mo na kayang to live here.
Pero sa akin dahil sa interviews ko sa kanila at nalaman ko, because of that gusto kong sabihing mabuhay kayo kung hindi dito, o gusto ninyong umalis, basta mabuhay lang kayo.
“Kunwari sa Pilipinas, it gives you pain, go somewhere else. At saka nirespeto ko rin ‘yung dahilan ng mga magpapakamatay and lalo na ‘yung mga young. ‘Yung mga young kasi, alam mong dumating lang sa isip nila, hindi nila prinoseso talaga.
“Pero ‘yung mga may edad na, nagpo-process na sila, but still, you know, kapag gusto nilang pumunta sa end, wala naman tayong judgement doon, life nila iyon, eh,” paliwanag ni Direk Joyce.
Nagandahan si Direk Joyce sa script na dalawang taong binuno ni Bela at dahil mahusay magsulat ay naniniwala siya na magiging mahusay din itong direktor.
“Si Bela kasi kaya ako naniniwala sa kanya, alam niya kung paano gumawa ng character. Bagamat pare-pareho lang naman ‘yung love stories, but different characters. Kapag buo ang character mo, kaya niyang i-lead kung saan ‘yung istorya differently and marunong si Bela at ‘yun ‘yung palagay ko.
“Mahirap ‘yun kasi usually ‘pag director ka, magandang eksena, magandang pangyayari at ‘yung character, kaya mong i-act at marunong si Bela nu’n,” papuri ni Direk Joyce sa dalaga.
Mapapanood na ang Last Night nina Piolo at Toni sa Setyembre 27 mula sa Spring Films, N2 Productions at Star Cinema.