Ni: Gilbert Espeña

KINAKAILANGANG mapatulog ng walang talong Pinoy boxer na si WBO No. 9 super bantamweight Jhack Tepora si IBO featherweight champion Lusanda Komanisi para mapanatili ang kanyang world rankings sa kanilang sagupaan ngayon sa East London, South Africa,

May ulat mula sa South Africa na overweight si Komanisi pero minaniobra ng mga organisador ng laban para maabot ng kanilang kababayan ang timbang at matiyak ang pagwawagi nito.

Paglalabanan nina Tepora at Komanisi ang bakanteng WBO Inter-Continental featherweight title at malaki ang mawawala sa 24-anyos na Pilipino kung hindi niya mapatutulog ang South African dahil mahirap manalo sa desisyon sa nasabing bansa.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kasalukuyang WBO Oriental super bantamweight titlist ang tubong Cebu City na si Tepora na umakyat ng timbang dahil nahihirapan nang kunin ang 122 pounds limit.

Isang Pilipino pa lamang ang nakakaharap ni Komanisi sa katauhan ni dating OPBF super bantamweight champion Roli Gasca na tinalo niya sa kontrobersiyal na 12-round split decision noong 2014 sa depensa ng kanyang IBO featherweight title bago niya napatigil sa rematch pagkaraan ng isang taon.

May rekord si Komanisi na 21-3-0 na may 18 panalo sa knockouts samantalang si Tepora ay may kartadang 20-0, tampok ang 15 sa pamamagitan ng knockouts.