Ni GENALYN D. KABILING, May ulat ni Beth Camia

Sinabi ni Pangulong Duterte na hawak na ngayon ng gobyerno ang “matrix” ng pinagmulan ng pondo para sa pagsalakay ng Maute Group sa Marawi City.

Sa ikalima niyang pagbisita sa siyudad nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na kabilang ang napatay na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog sa mga nagpondo sa Marawi siege.

Sinabi pa ni Duterte na ilan pang lokal na opisyal na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang sangkot sa rebelyon.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

“We’re looking for the source of the money and I will just point it out to you… as we now have a good picture of what happened in Marawi. This is the matrix,” sinabi ni Duterte sa kanyang pagbisita sa lungsod nitong Huwebes, ipinakita ang bahagi ng dokumento na kinabibilangan ng pangalan ni Parojinog.

“That is part of the discovery of the military. Parojinog, the mayor who was killed by the police during a raid,” dagdag niya.

Gayunman, tumanggi ang Pangulo na banggitin ang pangalan ng iba pang kabilang sa tinatawag niyang matrix upang hindi, aniya, makompromiso ang mga tauhan ng pamahalaan na nag-iimbestiga sa kaso.

Una nang napabilang si Parojinog sa listahan ng Pangulo ng aniya’y mga narco-politician sa bansa. Napatay ang alkalde, at 15 iba pa, sa anti-drug operation sa kanyang bahay sa Ozamiz City noong Hulyo.

Bukod sa drug money, sinabi ng Pangulo na may suporta rin ng mga dayuhang terorista ang rebelyon sa Marawi.

Batay sa nakalap na impormasyon sa imbestigasyon ng gobyerno, mismong ang nasibak na pulis na si Maria Cristina Nobleza, at dalawang iba pa, ang tumanggap umano ng terror funds mula sa ibang bansa.

Abril ngayong taon nang maaresto si Nobleza sa Bohol sa pagtatangkang iligtas ang ilang miyembro ng Abu Sayyaf, kabilang ang nobyo niyang bomb expert.

Kasabay nito, tiniyak din ng Pangulo na babawiin na niya ang idineklara niyang martial law sa Mindanao kapag kumpirmadong cleared na ang Marawi.

Matatandaang pinalawig pa ang batas militar sa Mindanao hanggang sa Disyembre 31, 2017.