“THE United States has great strength and patience, but if it is forced to defend itself or its allies, we will have no choice but to totally destroy North Korea,” sinabi ni US Presidente Donald Trump sa kauna-unahan niyang talumpati sa harap ng United Nations General Assembly nitong Martes. “Rocket Man is on a suicide mission for himself and his regime,” aniya, tinukoy si Kim Jong Un ng North Korea.
Ikinasorpresa ng maraming leader sa mundo na nangagtipon sa assembly hall ang kanyang naging pahayag. Ilang minuto bago ito, umapela si UN Secretary General Antonio Guterres ng pagiging estadista sa pagharap sa usapin ng North Korea. “We must not sleepwalk our way into war,” aniya.
Sa sarili niyang talumpati sa UN, sinabi ni French President Emmanuel Macron na hindi isasantabi ng France ang posibilidad ng negosasyon kaugnay ng suliranin sa North Korea. Komento ni Swedish Foreign Minister Margot Walstrom sa talumpati ni Trump: “It was the wrong speech at the wrong time to the wrong audience.” Sa Germany, sinabi naman ni Chancellor Angela Merkel na mahalagang magkaroon ng diplomatikong solusyon. “Anything else would lead to disaster.”
Para naman sa isang political observer sa South Korea, nakakatawa kung paanong ginamit ni Trump ang kaparehong salita na ginagamit ng mga North Korea sa nakalipas na mga dekada. Ayon sa kanya, inaasahan na niyang tutugunan ito ng North Korea ng “equally powerful, equally comical” at “probably more ridiculous rhetoric.”
Mahirap hulaan kung ano ang susunod na mangyayari sa mundo, kasunod ng mapagbunsod ng away na pahayag ni Trump sa UN.
Wala itong kaibahan sa nauna na niyang banta sa North Korea na “fire and fury like the world has never known.”
Malaki ang posibilidad na tugunan ito ng North Korea sa pagpapakawalang muli ng isa o dalawang missile. Hindi ito kailanman natinag sa nakalipas na mga taon simula nang gapiin nito ang puwersa ng United Nations, na pinangunahan ng Amerika, noong 1950-1953 at ngayon ay mayroon na itong mga pangmalayuang missile na makaaabot sa sentro ng Amerika, at posibleng may kasamang nuclear warheads.
Umaasa ang mundo, at kaisa tayo sa pag-asam na ito, na mananatiling sa salita lamang ang mga palitan ng bantang ito mula sa magkabilang panig, at habang nangyayari ito ay ilang personalidad na may mabubuting kalooban ang nagpapatuloy sa paghahanap ng diplomatikong solusyon. Dahil gaya ng nabanggit ni German Chancellor Merkel, ang anumang maaaring kahihinatnan nito ay tiyak na magiging isang malaking trahedya.