NAGGAGANDAHANG mga dalampasigan, local delicacies, makukulay na kasaysayan at kultura, at ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino – ilan lamang ito sa mga nasaksihan ng mga sumusubaybay sa Eat Bulaga.

Sa halos dalawang buwan, 38 kandidata mula Luzon, Visayas, at Mindanao ang nagtampok ng kagandahan ng kani-kanilang probinsiya sa “Miss Millennial Philippines 2017,” isang patimpalak na first of its kind sa telebisyon.

JASMINE BUNGAY (PAMPANGA) copy

Ang anniversary segment na ito ng Eat Bulaga ay naiiba sa mga tipikal na beauty contests dahil mas binibigyang importansiya nito ang pagpo-promote sa turismo ng isang siyudad o probinsiya sa pamamagitan ng pag produce ng mga creative at eye-catching photos at videos.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sina Sarah Madrigal ng Lapu-Lapu City, Cebu, Jasmine Bungay ng Pampanga at si Molly Teodoro ng Davao City ay tatlo lamang sa 38 na kalahok na sumabak sa hamon ng “Miss Millennial Philippines.”

Ayon sa kanila, malaking karangalan na mapasali at maging kinatawan ng kanilang probinsiya sa pageant, ngunit hindi madali ang bagong format ng kumpetisyon.

“Nakakapanibago siya kasi ibang-iba ito sa usual na pageant na nakasanayan na namin. Ang maganda naman dito, hindi kami pressured or expected na maging ladylike, bagkus kami ay hinihikayat na maging natural sa harap ng kamera at sa mga posts namin sa social media,” saad ni Jasmine.

Dagdag naman ni Molly, malaking adjustment din ang ilang linggong pag-ere ng segment sa telebisyon.

“Kailangan namin mag-participate sa mga weekly tasks at tuluy-tuloy ang pag-update sa aming mga social media pages.

Para sa akin, magandang daan ito para mai-promote ang aming siyudad dahil mayroon akong sapat na oras upang ibahagi ang mga di popular na lugar at activities sa aking probinsiya.”

Para naman sa 17 taong gulang na si Sarah, isa sa mga pinakabata sa kumpetisyon, hamon sa kanya ang makagawa ng effective tourism campaign.

“Essentially, we are hitting two birds with one stone. Kasama na kami sa isang nationwide contest and at the same time, nakakatulong pa kami sa aming bayan. Kailangan din naming maipakita ang ganda ng aming mga probinsiya sa isang creative na video at hindi madali ‘yun. Laking pasasalamat ko na tinulungan ako ng aming local tourism office,” saad ni Sarah.

Binigyan ng Eat Bulaga ng free hand ang mga kandidata at ang tourism offices ng kani-kanilang probinsiya na mamili ng mga lugar, pagkain o activities na kanilang nais i-highlight sa show.

“Sino pa ba ang nasa best position na mag represent ng kanilang lugar kundi ang mga kababaihan na ito,” saad ni Jeny Ferre, creative head ng Eat Bulaga. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng challenges, mas makikita ang itinatagong galing at talino ng millennials.

“Makikita natin na ‘pag itinuon nila ang kanilang puso at dedikasyon sa isang bagay, kayang-kayang gawin ito ng mga kabataan.”

Naniniwala din sina Sarah, Molly at Jasmine na ang nationwide competition tulad ng “Miss Millennial Philippines 2017” ay isang magandang daan para mabigyan ng bagong imahe ang kabataan.

Gusto nilang ipakita sa lahat na kahit sa technological age ngayon, ang millennials ay responsable, may malasakit sa kalikasan at may kakayanan na maging active members ng society.

“Kilala kaming mga millennials bilang mahilig sa pag selfie at paggamit ng social media. Sa tulong ng pageant na ito, makikita ng tao ang different side ng mga kabataan... na higit sa mga posts at tweets namin, kaya naming tumulong upang i-promote ang aming mga probinsiya,” saad ni Molly.

Dagdag naman ni Sarah, maraming magagawa ang kabataan.

“Kami ay aware din sa mga issues ng lipunan at mga kinakaharap na suliranin ng bansa. Mayroon kaming mga boses at nais namin na gamitin ito para mag inspire at mag influence ng pagbabago.”

Samantala, maituturing na isang malaking achievement para sa Eat Bulaga ang maging daan para mas mapaglapit ang mga manonood mula sa iba’t ibang lugar at antas ng pamumuhay sa pamamagitan ng programa.

Ayon kay Ferre, nang sinimulan nila ang Miss Millennial, nais lamang nilang makatulong sa turismo ng bansa.

Nagpapasalamat siya na mas marami na ang nakaka-appreciate ng ganda ng Pilipinas.

“We are just scratching the surface. Alam namin na hindi madali na makapag travel sa iba’t ibang probinsya kaya sa pamamagitan ng programa, ihahatid namin sa inyong mga tahanan ang ganda ng ating bansa. Wag tayong maging dayuhan sa sarili nating bayan.”

Ngunit nilinaw din ni Ferre na sa huli, ang Miss Millennial Philippines ay isa pa ring beauty pageant. Maglalaban pa rin ang mga kandidata sa typical na beauty pageant ngunit ang mga tourism materials na kanilang mga na-produced ay may malaking bearing sa finale.

“Pipiliin namin ang pinakamahusay, nararapat, at may confidence na i-represent hindi lamang ang kanyang probinsya, kundi pati na rin ang buong bansa.”

Ang mapipiling Miss Millennial Philippines 2017 winner ay mananalo ng isang condominium unit mula sa Bria Homes, brand new Mitsubishi Montero Sport at P500,000.

Hihirangin din ng Eat Bulaga ang isang Miss Bayanihan Queen, ang kandidata na nakakuha ng pinakamataas na text and online votes. Siya ay mag-uuwi ng P100,000 at P1 milyon para kanyang probinsya.

Tumutok lamang sa mga kaganapan sa Miss Millennial Philippines 20117 sa Eat Bulaga official Facebook page o Lunes hanggang Sabado sa GMA Network.