Ni: PNA
PINANGUNAHAN ng mga lokal na opisyal at mga residente ng Laoag City ang pangongolekta ng mga basurang plastik, bote, at iba pang hindi nabubulok na nagkalat sa dalampasigan ng Barangay Masintoc sa siyudad sa Ilocos Norte, nitong Sabado ng umaga.
Sinabi ni Laoag City Mayor Jessie Galano na isa nang tradisyon ng mga taga-barangay, partikular sa mga nasa baybayin, ang paglilinis ng kapaligiran, partikular tuwing Setyembre 16 ng bawat taon, bilang suporta sa 32nd International Coastal Cleanup.
Inihayag na sa kabila ng istriktong implentasyon ng ordinansa ng munisipalidad hinggil sa solid waste management, iniiwan pa rin ng ilang dumarayo sa dagat ang kanilang mga basura sa dalampasigan.
Sa pakikipagtulungan sa mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources at ng Philippine National Police, nagkaisa ang lahat sa pagsasakatuparan sa programa upang linisin ang dagat at mga baybayin.
Natukoy sa isang pag-aaral sa ibang bansa na nadiskubre ang plastik sa loob ng katawan ng 62 porsiyento ng mga namatay na sea birds at sa 100 porsiyentong pagkamatay ng mga pagong. Ito rin ang kaso sa dalampasigan ng bayan ng Paoay.
Sa panahon ng bagyo, ang mga basurang plastik ng mga kalapit na bayan ay inaanod o tinatangay sa mabababang lugar sa Paoay.
Karaniwan sa mga natatagpuang basura ang mga platong gawa sa styrofor, plastic na baso, bote at sanitary napkin.