Ni REGGEE BONOAN
ANG Amalanhig (Vampire Chronicle) produced ng Vic Val Blue Sapphire Production ay tungkol sa lokal na bampira na nag-ugat sa Visayan mythology. Mga taong nabuhay dahil sa masamang espiritung sumanib sa kanila o sa madaling salita, zombies na sumisipsip ng dugo ng tao.
Usung-uso ngayon ang mga pelikula tungkol sa zombie o bampira dahil na rin sa programang Walking Dead at mga pelikulang sinimulan ng Twilight series.
Bagamat matagal nang alamat ang Amalanhig ay ginawang millennial ang approach ng direktor ng pelikula. Bida sa pelikula ang makukulit na estudyante ng medisina sa pangunguna nina Sanya Lopez at Jerico Estregan. Bukod sa research sa isang subject, gusto rin nilang malaman ang katotohanan sa Amalanhig na nagsimula sa napulot na notebook na may sulat-kamay at puro dugo at kung ano ang nangyari sa taong may-ari nito.
Sa isang bulubunduking probinsiya ang setting ng Amalanhig na ang mga tao ay naniniwala pa rin sa mga agimat na kapag mali ang paggamit ay hindi epektibo at malilinisan lang ito isang batis sa kapag Biyernes Santo o kung patay ang Diyos.
Naging kasabihan na kapag Biyernes Santo ay nagsusulputan ang masasamang espiritu o elemento kaya dapat mag-ingat dahil kahit na anong tawag pa ang gawin sa Panginoong Diyos ay hindi ka maririnig.
Binalaan na sina Jerico at Sanya kasama ang mga kaibigan nila na lisanin na ang lugar dahil delikado at baka kung ano pa ang mangyari sa kanila, pero sadyang matitigas ang ulo at makukulit at hindi rin naniniwala sa kung anu-anong kasabihan at ipinilit pa rin ang gusto nila.
Unang pelikula ito ni Jerico at naaliw kami sa itsura niya dahil ang bagets niya sa pelikula pati ang boses na parang nagbibinata pa lang kumpara nu’ng makausap namin siya sa presscon.
May mga narinig kami na kamukha raw ni Jerico si Bruce Lee dahil sa buhok nitong kulot at apple look.
Walang dudang marunong umarte si Jerico at may itsura sa malaking telon pero mas maganda kung hahasain niya ang pagsasalita ng Tagalog dahil sa rami ng linya niya sa pelikula ay nahalatang nabubulol siya at mali ang bigkas sa malalalim na salita.
Palabas na simula nitong Miyerkules ang Amalanhig at sa para mahihilig sa suspense thriller ay panoorin ninyo ito dahil tiyak na makaka-relate kayo lalo na ang mga millennial.
Samantala, SRO ang ginanap na premiere night ng Amalanhig nitong nakaraang Martes sa Robinsons Galleria Cinema 3.