Ni: Fer Taboy
Inaresto ang dalawang aktibong tauhan ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) matapos umanong kikilan ang isang lalaki, na akusado sa kasong panggagahasa, nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Senior Supt. Jose Chiquito Malayo, hepe ng CITF, kinilala ang mga suspek na sina PO1 Leomer Redondo Suarez at PO1 Allan Magrigal.
Ikinasa ang entrapment operation laban sa mga suspek sa isang fastfood chain sa Pasay, dakong 9:00 ng gabi nitong Huwebes.
Ayon sa biktima, hindi pinangalanan, binantaan siya ng mga suspek na kakasuhan ng panggagahasa kung hindi siya magbibigay ng P200,000.
Ang biktima ang itinuturong gumahasa sa kanyang babaeng board mate, na pinsan umano ni Suarez, sa Pasay City noong Setyembre 18.