Ni: Franco G. Regala

CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga – Dahil sa malawakang fish kill sa Pampanga River simula nitong Miyerkules, maraming mangingisda ang walang pinagkakakitaan habang saklot ng matinding takot ang mga residente sa paglutang ng libu-libong patay na isda sa ilog sa bahagi ng Macabebe at Masantol.

Una nang nangalap ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng water samples mula sa lugar, subalit hindi pa natutukoy ang dahilan ng maramihang pagkamatay ng mga isda.

“The fishkill incident affected the villages of Consuelo in Macabebe town and Sagrada in Masantol,” sabi ni Lanie Lamyong, ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Pampanga.

Probinsya

Tricycle driver na nagselos at sinabihang maliit ang ari, sinaksak sekyu na pinagselosan!

Ayon kay Lamyong, pansamantalang ipinagbawal ng BFAR ang pagkain ng isda at iba pang lamang dagat na nagmula sa apektado ng fish kill, dahil delikado ang mga ito sa kalusugan.

Sinabi ni Marcelo Lacap, coastal emergency officer, na Martes ng hapon nang mapansin ng mga residente ang pagkukulay brown ng tubig sa Pampanga River. Kinabukasan, naglutangan na sa ilog ang mga patay na isda, hipon at alimango, dagdag ni Lacap.

Aniya, malaki ang hinala ng mga residente at mga mangingisda sa lugar na ang fish kill ay dulot ng mga kemikal na nagmumula sa isang planta ng alkohol sa Bgy. Sulipan sa Apalit at umaagos sa ilog.

“Wala kaming ibang hinala kundi ang palagiang pagtatapon ng chemical waste ng planta sa ilog,” ani Lacap.

“Nagmistulang ‘bed of bubbles’ ang mga naglutangang mga patay at naghihingalo pang mga isdang tabang mula sa Pampanga Delta River sa mga bayan ng Macabebe at Masantol sa lalawigan ng Pampanga kahapon.”