Ni: Liezle Basa Iñigo
Isang pastor ng Assembly of God ang natagpuang patay at may mga tama ng bala sa pagkakahandusay sa national highway sa Barangay San Pedro sa Mallig, Isabela.
Kinilala ni Senior Insp. Rexon Casauay, hepe ng Mallig Police, ang biktimang si Freddy Balmores, 40, may asawa, at taga-Bgy. Siempre Viva Sur sa Mallig.
Ayon sa pulisya, bandang 2:45 ng umaga nitong Martes nang matagpuan ang duguan at matigas nang bangkay ni Balmores sa damuhang bahagi ng highway. May dalawang tama ng bala ang bangkay.
Nauna rito, napaulat na minamaneho ng biktima ang kanyang Honda XRM 125 motorcycle bandang 10:30 ng gabi nitong Lunes sa national highway sa Bgy. San Pedro, sinusundan ang dalawang tricycle na sinasakyan ng kanyang mga kaanak.
Bahagyang dumistansiya ang pastor sa tricycle nang mga 50 metro hanggang makarinig ang kanyang mga kaanak ng mga putok ng baril, at pinatay na pala ang biktima.