Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at GENALYN D. KABILING

Gahol na sa oras, nagkasundo ang House of Representatives na hiramin ang bersiyon ng Senado ng panukalang nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Mayo 14, 2018.

Kinumpirma ni Senate Majority Floor Leader Vicente Sotto III kahapon na pagtitibayin ng Mababang Kapulungan sa Lunes ang mga probisyon ng Senate Bill No. 1584 na naglalayong ilipat ang halalang pambarangay sa Oktubre 23 sa Mayo 2018 at pahintulutan ang mga nakaupong opisyal ng barangay at kabataan na manatili sa kanilang mga posisyon.

“They did. (They) will officially do so on Monday (in their) session. It then becomes an enrolled bill awaiting the signature of the President,” ani Sotto.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ayon kay Sotto, kinumpirma ito nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Leader Rudy Fariñas sa kanilang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting nitong Miyerkules ng gabi.

Sa botong 17-1 at zero abstention, inaprubahan ng Mataas na Kapulungan ang SB 1584 sa ikatlo at pinal na pagbasa nitong Miyerkules ng hapon, matapos matanggap ang certification ng Pangulo na ito ay isang urgent measure.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na ipinasa ng Senado at Kamara ang kani-kanilang mga panukalang batas upang ipagpaliban ang halalang pambarangay. Tulad noong nakaraang taon, kailangan magpasa ng Kongreso ng batas upang opisyal na maipagpaliban ang eleksiyon.

Samantala, sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, na ang ikalawang pagpapaliban ay “must be the final one.”

“It should be a non-extendable deferment. If we scrap again the elections in May, it will constitute a strike three against democracy,” aniya.

Sinabi ni Recto na bumoto siya ng “yes” sa panukala dahil tiniyak ng Palasyo na ito na ang huling pagpapaliban.

Umaasa naman ang Malacañang na maipapasa na ang batas na nagpapalaban BSKE.

Sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella na inaasahan nilang pagkaisahin ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kanilang mga bersiyon ng pagpapaliban sa barangay poll.

“The President’s stance remains clear and consistent: He wants the barangay and SK elections to be postponed,” diin ni Abella.