WALANG dudang isa ito sa pinakamagagandang balita mula sa Marawi City — ang paglaya ni Fr. Teresito Suganob, vicar general ng Marawi Prefecture, makalipas ang 117 na araw ng pagkakabihag ng grupong Maute-Islamic State na kumubkob sa Marawi noong Mayo 23, 2017.
Mistulang pinanawan na ng pag-asa ang mga bihag nang kubkubin ng Maute, kasama ang mga dayuhang mandirigmang naiimpluwensiyahan ng Islamic State, ang Marawi. Ito ay dahil kilala ang Islamic State — na kilala rin bilang ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) — sa pamumugot sa ulo ng mga binihag nito sa Gitnang Silangan, gayundin sa Hilagang Africa. Itinuring marahil nila si Father Suganob, acting rector ng St. Mary’s Cathedral, bilang isang mahalagang bihag.
Sa mga sumunod na buwan, naitala ang mga pagkasawi sa magkabilang panig. Gaya ng pagre-record ng Abu Sayyaf sa Basilan sa mga pag-apela ng mga dayuhang bihag nito sa kani-kanilang gobyerno at pamilya para bayaran ang hinihinging ransom, kinuhanan ng video ng Maute-IS si Fr. Suganob habang nananawagan sa pamahalaan na itigil na ang opensiba ng militar.
Siyempre pa, hindi pinakinggan ng pamahalaan ang paraang ito ng Maute ng pagmamakaawa ng mga bihag nito. Halos lahat ay naniniwalang imposible nang mailigtas ang mga bihag, dahil nagpapatuloy pa rin ang bakbakan, at tuuy-tuloy ang pagpapadala ng gobyerno ng karagdagang puwersa at nakagugulat ding hindi nagpapaawat sa pakikipaglaban ang mga Maute at ISIS, na nangangahulugang marami silang naiimbak na armas at bala.
Sa araw — Sabado, Setyembre 16 — na napaulat na nailigtas si Fr. Suganob, isinapubliko ng Armed Forces of the Philippines ang mga sumusunod na estadistika: 673 mandirigmang Maute-ISIS, 149 mula sa tropa ng gobyerno, at 47 sibilyan na ang napatay. Iniulat ng AFP na dalawa pang balwarte ng mga kalaban, ang Bato Mosque at ang Amaitul Islamiya Marawi Foundation, ang nabawi ng puwersa ng pamahalaan.
Hindi pa masasabi kung kailan ganap na malilipol ang mga rebeldeng Maute-ISIS mula sa kanilang pinagtataguan sa Marawi City. Ngunit hindi mapipigilan ang pagkilos ng puwersa ng gobyerno at nalalapit nang magapi ang mga terorista.
Imposibleng kabaligtaran ang mangyari.
Patuloy na madadagdagan ang estadistika ng AFP hanggang hindi pa malinaw kung kailan magwawakas ang krisis. Subalit sa gitna ng mga karahasan at pagdurusang ito, masuwerte tayong tanggapin ang isang magandang balita — malaya na sa wakas si Father Suganob, na nagsilbing chaplain sa Mindanao State University at aktibong kasapi ng Inter-faith Council of Peace.