Ni Ellalyn De Vera-Ruiz
Bahagyang kumaunti ang mga Pinoy na nananatiling kuntento sa demokrasyang mayroon ang bansa, ayon sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey result na inilabas kahapon, ang ika-45 anibersaryo ng martial law.
Sa nationwide survey noong Hunyo 23-26 sa 1,200 respondents, nasa 80 porsiyento ng mga Pilipino ang kuntento sa demokrasyang mayroon ang Pilipinas.
Ito ay mas mababa ng anim na puntos sa 86% noong Setyembre 2016.
Ipinaliwanag ng SWS na ang pagiging kuntento ng mga Pinoy sa demokrasya ay 60% na mataas simula noong Hunyo 2010, na umaabot sa 64-86%.
Ito ay malayo sa 50% sa dalawa sa 31 survey na isinagawa mula Oktubre 1999 hanggang Hunyo 2009.
Ang katanungang “satisfaction in the way democracy works” ay nag-umpisa sa Eurobarometer surveys at ginagamit din sa Latin American at Asian Barometer projects, ayon sa SWS.
Lumabas din sa June 2017 survey na 61% ang nagsabing “democracy is always preferable to any other kind of government,” kumpara sa 19% na nagsabing “under some circumstances, an authoritarian government can be preferable to a democratic one,” at 20% na nagsabing “for people like me, it does not matter whether we have a democratic or a non-democratic regime.”