KUALA LUMPUR — Patuloy ang ragasa ng gintong medalya sa Team Philippines.
Pinangunahan nina teenage sprint phenom Cielo Honasan at seasoned powerlifter Adeline Dumapong-Ancheta ang impresibong limang gintong hakot ng atletang Pinoy para mapatatag ang kampanya sa 9th ASEAN Para Games dito.
Matapos ang impresibong walong gintong panalo nitong Huwebes, humaribas ang 15-anyos na si Honasan sa 400m run sa T44 at T45 para simulan ang limang gintong hataw ng Nationals.
Naitala ni Honasan ang tyempong 63.35 segundo para makumpleto ang ‘triple gold’ sa sprint event ng centerpiece ng biennial meet. Tinanghal siyang ‘Queen of the Track’, tulad ng idolong si Lydia De Vega.
Nauna niyang nadomina ang 100m at 200m.
Ginapi niya si Gagun Pagjiraporn ng Thailand (66.41) at Cambodian Vet Chanta (76.43).
Isang polio victim, napansin ang kahusayan ni Honasan nang sumabak siya a regular event ng Palarong Pambansa.
“Hindi ko po malaman kung ano ang reaksyon ko, sobrang overwhelm po ako sa panalo ko. Nakakaiyak din po pala ang maging masaya,” pabirong pahayag ni Honasan na nakatakdang makatanggap ng kabuuang P450,000 cash incentives batay sa naayos na incentive law.
Nanatili naman produktibo si Dumapong-Ancheta, isa sa Filipino Para Games pioneers, nang makamit ang panalo sa over 86kg gold class nang mabuhat ang bigat na 116kg.
Sumegundo si Indonesia’s Sriyanti at pangatlo si Malaysia’s Sharifah Raudzah Binti.
May pagkakataon si Dumapong-Ancheta na burahin ang sariling record na 118kg, ngunit hindi na niya ginawa matapos masiguro ang panalo.
“I just want the gold, nothing else,” sambit ng 43-anyos na si Dumapong-Ancheta, unang Pinay Paralympic medal winner nang magwagi ng bronze sa Sydney Olympics noong 2004 Athens Games.
Ang panalo ni Honasan ay nag-akyat sa walong ginto na nasungkit sa athletics. Nalagpasan nito ang limang gintong napagwagihan sa Singapore may dalawang taon na ang nakalilipas.
Napantayang ng delegasyon ang kabuuang medalya na napagwagihan noong 2015 sa kabuuang 16 ginto, 17 silver at 18 bronze medala, ngunit may nalalabi pang mga events na posibleng madonina.
Hawak na ng Indonesia ang overall title may dalawagn araw pang nalalabi sa torneo tangan ang 90 ginto, 51 silver at 36 bronze, kasunod an Malaysia (68-63-51).