Ni NOEL D. FERRER
FIRST ASSIGNMENT. Nasaksihan ko nang kunan ang unang video ni Atom Araullo na nagsasabing, “Ito po si Atom Araullo, ang inyong bagong Kapuso.”
Sinalubong ito ng palakpakan ng mga tao sa GMA lobby nang umagang ‘yun -- isang araw bago siya lumarga sa kanyang kauna-unahang documentary na gagawin para sa GMA-7.
“Ang dami kong gusto kong gawin. This seems to be good place to do them,” sabi ni Atom na mahigit isang dekada ring naging Kapamilya.
Matatandaan na sa GMA-7 unang napanood si Atom, sa kiddie show na 5 and Up. Pagkaraan ng halos isang dekada, naging segment anchor naman siya sa weekend newscast ni Jessica Soho na Atomic Sports. Ngayon, focused muna si Atom sa paggawa ng kanyang sariling documentary special on the Philippine Seas.
Iwe-welcome din siya sa prestihiyosong roster ng iWitness hosts.
“Hindi ko alam kung ano ang alam ng tao tungkol sa akin. Isang bahagi lang ng buhay ang alam ng mga manonood. Gusto kong mas marami akong mas ma-share kaya I am exploring the long form ng journalism - ‘yung paggawa ng documentaries,” ani Atom.
“There is this undeniable need to grow, and this is where my journey took me. Ang dami lang puwedeng gawin. Ang dami ko ring hinahangaan dito tulad nina Howie Severino, si Ma’am Jessica na unang nakatrabaho ko; sina Sir Mike Enriquez, marami. I hope to be able to learn a lot from everyone,” sabi ni Atom.
Isang reporter ng GMA News Online ang nagsabi kay Atom na nakakatuwa at ang laki raw ng fanbase niya, bagay na ikinagulat ng bagong Kapuso.
“To be a journalist with fans is kind of odd, but I’m not complaining. But we all know that fame just comes and goes.
Lalo akong napi-pressure maging magaling at mabuti. I have to continuosly show people that I deserve that kind of trust. That’s why I just have to get better in my journalism; actually, in everything that I do.”
Mismong ang big boss ng GMA Network na si President Felipe Gozon ang nagpaabot ng magandang mensahe para kay Atom.
Isa siya sa mga nagbigay halaga sa kakayahan ng batang journo at nagbigay ng instructions na ibigay lahat ng suporta kay Atom.
“Maraming salamat sa magandang pagtanggap, asahan n’yong hindi ko sasayangin ang inyong pagtitiwala,” pahayag ni Alfonso Tomas Araullo.
FIRST HONORS. Ngayong gabi magtatapos ang teleseryeng A Love To Last na ayon sa aming kaibigang long-time talent coordinator na si Winnie Mariano, isa sa nagpamalas ng kahusayan sa pagganap ni Iza Calzado na tinatawag niyang, “the lovable kontrabida.”
Bakit nga ba? Dahil bukod sa napakagaling na aktres, kitang-kita ang pag-grow niya sa kanyang karakter bilang si Grace. At alam ng staff na nakatrabaho niya na never siyang nagdiva moment. Kaya nga #AmazingIza naman ang tawag nila sa kanya.
Ito ang mensahe ni Iza sa pagtatapos ng kanilang serye, “Maraming salamat sa lahat ng tumangkilik ng A Love To Last. Let me thank our team: my co-actors, the creative and technical staff for bringing out the best in us. And to you our dear viewers and the members of the press who have been so kind in your reviews - THANK YOU!
“For a love to last, dapat talagang inaalagaan ito, pinagsisikapan, pinagtitibay at ipinagdarasal. Sabi niyo nga, it has been an Amazing Grace to have played Grace who taught us the value of love and family na hindi dapat sinusukuan at ipinaglalaban.
“May we all find a love that lasts, Ito po si Grace Silverio, formerly Noble, going back to being Iza Calzado na nagmamahal sa inyo!!!” pagtatapos ni Iza.
Nang tanungin namin kung ano ang gagawin niya ngayong tapos na ang teleserye niya, ang nakangiting sabi niya ay, “Ay, baka lumipad muna...”
FIRST TIME. Palabas na ang Cinemalaya Best Picture na Respeto sa commercial theaters at hangad sana namin ay mas nagmalasakit ang lead star na si Abra para ipromote ito.
May guesting sa radyo na hindi niya pinuntahan, at pati nga ang premiere nito sa UP Film Center ay hindi niya sinipot.
Bakit?
Sayang, kasi napakaganda ng pelikula at mahusay pa naman si Abra sa kanyang first time sa pag-arte sa pelikula.
Ang balita namin ay mas mataas naman ang first day gross ng Respeto kaysa Ang Pamilyang Hindi Lumuluha kahit kakaunti ang naibigay na sinehan para sa pelikula ni Abra. Pero sana’y dumami pa ang manonood sa mga susunod na araw.
Wala tayong karapatang magreklamo tungkol sa kalidad ng mga pelikulang Pilipinong ginagawa at ipinapalabas kapag hindi naman natin sinusuportahan ang magagandang pelikula sa sinehan.
Parang lipunan din lang ‘yan, we deserve the films, the leaders and the government that we support.
Sana’y matuto na tayo.
(For your comments, opinions and contributions, you can message me on IG and FB, or tweet me at @iamnoelferrer.)