KUALA LUMPUR — Humaribas ang Team Philippines sa napagwagihang walong gintong medalya, tampok ang tatlo mula sa chess nitong Miyerkules para maokupa ang ikalimang puwesto sa overall standings sa 9th ASEAN Para Games sa Hall 3 ng Malaysian International Trade and Exhibition Center.
Naitabla ni FIDE Master Sander Severino ang ikaanim at huling round kontra Vietnam’s Nguyen Anh Tuan para masungkit ang individual gold sa standard play tangan ang 5.5 puntos, kalahating puntos ang bentahe kay FM Maksum Firdaus ng Indonesia, nagwagi sa kababayang si Azhar Panjaitan.
Kasama ang 3.5 puntos ng kasanggang si Henry Lopez, nakihati ng puntos sa kanyang huling laro kontra Nguyen Van Quan ng Vietnam, para sa bronze medal, nakatabla ng Pinoy ang Indonesia na may parehong 9 puntos, ngunit nakuha ng Pilipinas ang ginto sa team event bunsod nang mas mataas na puntos sa quotient system.
“If we are going to win, we should win fair and square,” pahayag ni team coach James Infiesto.
May pagkakataon ang 32-anyos na si Severino, pambato ng Silay City, Negros Occidental, na nagtamo ng ‘muscular dystrophy’ sa kanyang kabataan, na mahila ang hakot sa limang ginto sa pagsabak sa rapid play ngayon.
“I hope we could give our country more gold medals because everything we do here is for our countrymen,” sambit ni Severino.
Sa Bukit Jalil National Stadium, nakumpleto ni Cielo Honasan ang ‘sprint double’ nang pagwagihan ang 200m sa bilis na 13.96 segundo. Nauna nang nakopo ng bagitong 20-anyos runner ang panalo sa 100m.
Tatangkain ni Honasan, naging biktima ng sakit na polio, na madomina rin ang 400m run ngayon.
Nagwagi rin si Prudencia Panaligan sa 100m T52/53/54 class sa tyempong 18.32, kontra kina Thai Chainet Srithong (18.67) at Vietnamese Nguyen Thi Xuan Anh (18.78).
Sa pagtatapos ng aksiyon nitong Miyerkules, humakot ang Philippines ng 11 ginto, 12 silver at 11 bronze para tumalon sa ikalimang puwesto mula sa ikapito sa overall standings.
Nanatiling nasa unahan ang Indonesia na may medalyang 57-39-28, kasunod ang host Malaysia (48-41-35).
Nakopo naman ni Ernie Gawilan ang 400m gold sa S8 division at silver medalist sa 100m butterfly.
Nasungkit naman ni Arthus Bucay ang unang ginto sa cycling competition sa Dataran Putrajaya track sa tyempong 17:44.186 kontra Malaysia’s Zuhairie Bin Ahmad Tarmzi (19:11.953) at Indonesia’s Sufyan Saori (19:38.150).
Nagtapos naman ang 36-anyos Marikina-based Paralympian ng silver sa one-kilometer track at 4000 individual pursuit.