Ni: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Fil Oil Flying V Center)
12 n.h. -- Perpetual Help vs Lyceum (jrs/srs)
4 n.h. -- San Sebastian vs St. Benilde (srs/jrs)
SUWERTE kaya sa Lyceum of the Philippines University ang numerong 13?
Ito ang katanungang bibigyan ng kasagutan ng Pirates sa pagpuntirya nila ng ika-13 sunod na panalo kontra University of Perpetual Help sa unang laro sa seniors division ngayong hapon sa pagpapatuloy ng second round ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.
Muntik ng maputol ang winning run ng Pirates sa nakaraan nilang laban kontra Arellano Chiefs kung di sila naisalba ni team skipper MJ Ayaay.
Gayunman, naging optimistiko pa rin ang Pirates dahil napatunayan nilang puwede silang manalo kahit wala ang lider na si CJ Perez na na-fouled out sa krusyal na sandali ng naturang laro laban sa Chiefs.
“The reminder here is this is not CJ’s team. No, it’s all of us. We love CJ on the team but CJ knows also that we [can] win without him. He’s also an important part of us. It’s a collective effort,” pahayag ni LPU coach Topex Robinson matapos makamit ang ika-12 dikit nilang tagumpay.
“Coming into the game what we’ve shared with them is about bond and connection. That’s gonna solidify our campaign going through shared adversity. It’s really important we stick it out together and hoping we’re gonna come out winners,” aniya.
Sa panig naman ng kanilang katunggali, inaasahang babawi ang Altas mula sa hindi inaasahang pagkatalo sa St. Benilde Blazers na nauna na silang tinalo sa first round sanhi ng teknikalidad upang palakasin ang kanilang tsansang umabot ng susunod na round.
Samantala sa tampok na laro, hangad ng Blazers ang unang back-to-back win ngayong season sa pagtutuos nila ng season host San Sebastian Stags(5-6) na magtatangka namang bumangon sa huling kabiguang nalasap sa kamay ng San Beda sa nakaraan nilang laban upang pumatas sa Emilio Aguinaldo College Generals at Letran Knights sa ika-apat na posisyon taglay ang patas na markang 6-6 .