IDINEKLARA ni Pangulong Duterte ang araw na ito, Setyembre 21, bilang “National Day of Protest” sa harap ng mga ulat na plano ng iba’t ibang organisasyon na magsagawa ng malawakang kilos-protesta ngayong Huwebes, bawat isa ay may ipinaglalabang adbokasiya.
Setyembre 21 ang petsa nang magdeklara ng batas militar si Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972, ang simula ng isang panahon nang pamunuan niya ang bansa nang walang Kongreso at walang iba pang opisyal ng pamahalaan. Sa araw na ito at sa mga sumunod pa, inaresto ng militar ang maraming opisyal, kabilang ang oposisyong si Senator Benigno S. Aquino, Jr. at dalawang iba pang senador, kasama ang ilang patnugot, publisher at kolumnista ng mga pahayagan, at maraming lider ng mga samahang kabataan. Nilitis si Aquino sa isang korte ng militar, na makalipas ang ilang taon ay hinatulan siya ng kamatayan.
Nanatili ang pagpapairal ng batas militar sa loob ng siyam na taon hanggang sa pormal itong bawiin noong 1981, subalit patuloy na naramdaman ang hindi magandang epekto ng batas militar hanggang noong 1983 nang paslangin si Aquino sa tarmac ng Manila International Airport sa kanyang pagbabalik sa bansa mula sa Amerika kung saan pinahintulutan siyang sumailalim sa gamutang medikal. Makalipas ang tatlong taon, noong 1986, nauwi sa People Power Revolution sa EDSA ang mga inilunsad na kabi-kabilang kilos-protesta.
Maraming kumikilala sa panahon ng batas militar, partikular ang mga estudyante ng abogasya at pamamahala, bilang ang mga taon na maraming batas natin ngayon ang nalikha at pinagtibay, at maraming dakilang institusyon, gaya ng Cultural Center of the Philippines, Heart Center, at Kidney Center, ang naitatag. Ngunit kapalit ng mga ito ang pagsasaalang-alang sa napakaraming karapatan at sa kalayaan—kaya naman hindi pagdiriwang ang gagawin ngayong Setyembre 21 kundi isang paggunita sa mga pait at pasakit. Tunay na marapat lamang itong idaos sa pamamagitan ng mga protesta, kaya naman maraming organisasyong kontra sa maraming polisiya at desisyon ng kasalukuyang gobyerno ang planong magsagawa ng mga pagkilos sa iba’t ibang dako ng bansa.
Isang grupo ang magpoprotesta laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, gayundin ang balak na itaas ang buwis sa mga ito. Magkakaroon din ng martsa mula sa Mabuhay Rotonda sa Quezon City hanggang sa Morayta sa Maynila ngayong umaga. May rally din sa Luneta Park ngayong hapon upang iprotesta ang paulit-ulit na banta ng gobyerno na magpapatupad ng batas militar sa buong bansa.
Nitong Lunes, inihayag ni Pangulong Duterte na idedeklara na lamang niyang National Day of Protest ang Setyembre 21 para sa lahat ng nais na magpahayag ng kanilang pagkontra o magprotesta kontra sa iba’t ibang usapin, kabilang, aniya, ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga, ang maraming patayan sa bansa kaugnay nito, at ang mababang sahod ng mga manggagawa. Maging ang puwersa ng New People’s Army ay hinikayat niya ring lumahok sa protesta, basta tutupad lamang ang mga ito sa umiiral na batas.
Para sa marami, ang Setyembre 21 ay ang petsa lamang nang ideklara ang batas militar sa bansa noong 1972 at mas nanaisin nilang kalimutan na ito. Ngunit mahalagang araw ito para sa mga grupong determinadong magprotesta at sumang-ayon si Pangulong Duterte na tawagin itong National Day of Protest.
Umasa tayong makatutupad ito sa deklarasyon ng pagbibigay ng pagkakataon sa mamamayan na iparating ang kani-kanilang pagkadismaya, anumang protesta laban sa mga ginagawa ng pamahalaan, o magbigay ng mga mungkahi na nais nilang ikonsidera ng mga opisyal. Nawa’y maging oportunidad ito upang pakinggan ng lahat ang kapwa Pilipino alinsunod sa sistema ng demokrasya ng ating gobyerno.