Ni: Genalyn D. Kabiling

Bukod sa United Nations’ human rights group, inimbitahan din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang European Union (EU) na magtayo ng opisina sa bansa upang masubaybayan ang giyera kontra ilegal na droga ng pamahalaan.

Nag-alok pa ang Pangulo na babarayan ang suweldo ng “rights investigators” sakaling kulang ng tauhan ang dalawang foreign entities na itatalaga sa anti-narcotics operations na isinagawa ng pulisya.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinabi ko sa may ambassador kanina, ito ‘yung proposal ko, I am inviting the United Nations Commission on Human Rights of the United Nations, magtayo kayo dito ng opisina. Dito. Pati ‘yung European Union. May Human Rights ano ‘yan sila, committee, pumunta kayo dito, magtayo kayo ng opisina,” sinabi ni Duterte sa panayam ng PTV-4 television.

“Kung wala kayong empleyado, ako ang magbayad, kayo ang maghanap ng tao. ‘Yung mga rights investigator. Ako ang magbayad. Kayo ang maghanap ng tao. Kayo ang magtingin sa qualification,” dagdag niya.

Sinabi ni Duterte na uutusan niya ang mga pulis na payagan ang mga kinatawan ng UN at EU na i-monitor ang kanilang mga operasyon para sa transparency.

“No police operations without the cameras, and if you want, the media can embed somebody and the Human Rights representative must be present. ‘Yan ang suggestion ko,” aniya.

“Kayo mismo sige daldal sa akin, kayo ang pumunta dito, kayo ang magbigay ng katotohanan,” aniya pa.

Naunang sinabi ng Pangulo na magpapadala siya ng pormal na imbitasyon sa UNCHR para magtayo ng satellite office sa bansa at sumali sa anti-drug operations ng pulisya.