Nina GENALYN KABILING, BETH CAMIA, at CHITO CHAVEZ, Alexandria Dennise San Juan, Liezle Basa Iñigo, Kier Edison C. Belleza, at Rommel Tabbad

Interesado si Pangulong Rodrigo Duterte na makilahok sa National Day of Protest ngayong Huwebes.

Sinabi ng Pangulo na siya ay magiging “very happy” na sumali sa mga kilos-protesta upang kontrahin ang puwersang “yellow” na aniya’y sangkot sa ilang anomalya sa gobyerno.

“I would be very happy for you guys to join you,” sinabi ni Duterte nang kapanayamin ni Erwin Tulfo sa PTV-4 television nitong Martes ng gabi.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Ako magpoprotesta rin kasi maraming mga dilaw, nandiyan sa mga commission, napaka-corrupt. So, even ‘yung sa mga regulatory board, eh, magpoprotesta rin ako, because I cannot remove them simply because they have a fixed term.

There’s a security of tenure,” sabi ng Pangulo.

Aniya, mapapatalsik lamang ang nasabing mga opisyal sa pamamagitan ng proseso ng civil service o sa pagsasampa ng kaso sa korte. “‘Yan ang problema ko rin. So, pati ako, nagpoprotesta.”

PROTEST IN PEACE

Kasabay nito, nanawagan ang Presidente sa publiko “[to] protest in peace” at iwasang maging marahas, magsagawa ng vandalism, o manunog ng kagamitan o pasilidad.

“I’d be happy na lahat ng may reklamo sa gobyerno, extrajudicial killing, corruption—kaya ‘yan din ang reklamo ko ngayon—at iba pa, mga abuso ng gobyerno. Then I am inviting everybody, including those—‘yung mga sabi nila mga Lumad na pinag—inaabuso, to come down and join the protest,” anang Pangulo.

Kaugnay nito, inilabas kahapon ng Malacañang ang Proclamation No. 319 na nagdedeklara sa araw na ito, Setyembre 21, bilang National Day of Protest. Ngayon din ang ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ng batas militar.

Kasabay ng paghikayat sa mga raliyista na kumilos nang naaayon sa batas, panatilihin ang kapayapaan, at maging mapagmatyag sa mga maaaring manggulo, inatasan din ni Duterte ang awtoridad na magpatupad ng maximum restraint at dumistansiya sa mga pagdarausan ng mga kilos-protesta upang mapagbigyan ang karapatan ng mga raliyista sa pamamahayag.

KONTRA SA ‘BAGONG DIKTADURYA’

Hindi naman natitinag ang mga militanteng grupo sa bantang bubuwagin ang mga kilos-protesta kapag naging marahas ito, dahil determinado umano silang kondenahin ang panganib ng panibagong diktadurya sa ilalim ng administrasyong Duterte.

“The people will go out on September 21, on the 45th anniversary of Marcos martial law to protest peacefully, to raise our demands and let our voices be heard. We encourage all Filipinos to join the actions and safeguard our hard-earned civil liberties and democratic rights. Duterte is a Marcos incarnate. We say never again to tyranny and dictatorship,” sabi ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Chairperson Danilo Ramos.

“We will not falter. We will not back down. No threat or hindrance can dampen our determination in making Malacanang accountable for the thousands of killings committed under Duterte’s triple wars – Oplan Tokhang, Oplan Kapayapaan and martial law in Mindanao,” dagdag ni Ramos.

LUZON HANGGANG MINDANAO

Libu-libong kasapi ng KMP, mga nagsusulong ng reporma sa lupa, at mga katutubo mula sa Cordillera, Central Viasyas, Negros, Caraga, Southern at Northern Mindanao ang makikilahok sa mga rally sa Mendiola at Luneta ngayong Huwebes.

Bukod pa ito sa libu-libong magsasaka na magmumula naman sa Southern Tagalog at Central Luzon, habang nasa 2,000 iba pa ang magsasagawa ng rally kontra martial law sa Rizal Park sa Davao City.

Magsasagawa rin ng “Manlaban Para sa Karapatan” protest ang Coalition Against the Marcos’ Burial (CAMB), In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDefend), Kalipunan ng Kilusang Masa, Tindig Pilipinas, at Youth Resist.

Kaisa rin sa mga kilos-protesta ang Bagong Alyansang Makabayan-Pangasinan sa Maynila at sa lalawigan, habang may “A Gathering Against Tyranny” (AGAT) rally naman ang Anakbayan-Central Visayas sa Cebu City.

UULANIN

Samantala, posibleng ulanin ang mga kilos-protesta ngayong Huwebes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinabi ni Gèner Quitlong, weather specialist ng PAGASA, na mararanasan ang “light to moderate” na pag-ulan dahil sa umiiral na thunderstorms sa Visayas, Mindanao, Ilocos region, Cordillera, Mimaropa, Batanes at Babuyan Group of Islands.

Kaugnay nito, nalusaw na rin ang namataang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility, bagamat posibleng maging bagyo habang papalabas ng bansa patungong Taiwan ngayong araw.