Ni: Marivic Awitan

NAITALA ng reigning six-time champion Centro Escolar University at Philippine Women’s University ang kani -kanilang ikalawang panalo sa senior basketball habang nanatili namang walang talo ang San Beda College Alabang matapos ang tatlong laro sa volleyball sa lahat ng tatlong dibisyon ng 48th Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA).

Ginapi ng CEU ang Assumption, 107-40, habang pinadapa ng PWU ang baguhang University of Makati, 74-37 sa mga larong idinaos sa Assumption Makati gym.

Namayani naman ang defending Junior titleholder Chiang Kai Shek College kontra St. Stephen’s High School, 101-39, sa labang idinaos sa St. Scholastica Manila gym para umangat sa malinis na markang 3-0, sa Group A habang sinaluhan sila ng San Beda sa pamumuno matapos ang 60-27 panalo kontra sa St. Paul College Pasig.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagsipagtala naman ng lopsided wins ang De La Salle Zobel at La Salle College Antipolo makaraang manaig kontra host Poveda (85-17) at Miriam (63-32), ayon sa pagkakasunod upang pagsaluhan ang liderato sa Group B sa hawak nilang 3-0 baraha.

Sa senior volleyball, iginupo ng defending champion San Beda ang University of Asia & the Pacific, 25-15, 25-10, 25-12, habang tinalo naman ng CEU ang Philippine Women’s University, 25-22, 25-23, 25-15, sa mga larong ginanap sa Rizal Memorial Coliseum para sa 3-0 karta.

Sa midget division, nangunguna rin ang Red Lions na may markang 3-0 kasunod ng 25-6, 25-21 pagdomina sa St. Stephen habang wagi rin ang reigning titlist DLSZ kontra Poveda, 25-13, 25-18, para sa ikalawang sunod nilang panalo.