Ni: PNA
NAGHAHANAP ang gobyerno ng mga posibleng alternatibo sa hydrofluorocarbons (HFCs), ang man-made compound na pumalit sa ozone-depleting substances (ODS), na una nang ginamit bilang refrigerants.
May kakaunting epekto ang HFCs sa ozone layer, na nagpoprotekta sa Earth mula sa ultraviolet solar radiation, ngunit ipatitigil ng gobyerno ang pag-aangkat ng mga compound na ito simula sa 2024 dahil labis itong nakakaapekto sa climate change, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“Those are dangerous greenhouse gases (GHGs) with high global warming potential,” lahad ni Environment Secretary Roy Cimatu sa mensaheng ipinadala niya kay chief of staff, Undersecretary Rodolfo Garcia.
Sinabi ni Cimatu na mabilis kumalat ang HFCs sa hangin, na nagpapalubha sa global warming.
Nagbabala na ang United Nations Environment Programme na ang HFCs ay ilang libong porsiyentong mas malakas kumpara sa carbon dioxide (CO2), na nakakapag-ambag sa climate change. Isa ang CO2 sa climate change-driving GHGs.
Ayon sa mga eksperto, nabubuo ang GHGs sa hangin at nahaharangan ang init, kaya tumataas ang temperatura na nagreresulta sa global warming, na mauuwi sa climate change.
Tumataas ang epekto ng climate change sa Pilipinas dahil sa kakaibang panahon, pati na rin ang pagtaas ng antas ng dagat at temperatura, anila.
Tinukoy ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang naapektuhan ng climate change.
Iprinoklama ng UN General Assembly ang Setyembre 16 bilang International Day for the Preservation of the Ozone Layer, ginugunita ang taong 1987 nang lagdaan ng mga bansa ang Montreal Protocol on Substances that Deplete the Ozone Layer.
May temang “Caring for all life under the sun” ang ika-30 anibersaryo ng Montreal Protocol ngayong taon.
Ang Montreal Protocol ang pandaigdigang tratado na pinagtibay ng mga bansa upang mabawasan at kalaunan ay alisin ang produksiyon at konsumo ng ODS sa buong mundo, upang maprotektahan ang ozone layer mula sa panganib.
Ayon sa DENR, target ng Pilipinas ang HFC phasedown, kapag naipatigil na ang importasyon sa 2024, sa sampung porsiyento pagsapit ng 2029, 30 porsiyento sa 2035, 50 porsiyento sa 2040, at 80 porsiyento sa 2045.
“There’s still time to look for alternatives to HFCs,” saad ni DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna sa press conference, at sinabing dapat na maging abot-kaya at madaling mabili ang mga alternatibo.