Ni: Reggee Bonoan

PURO papuri ang narinig naming mga komento ng mga nanood sa advance screening ng teleseryeng The Good Son na mapapanood na sa ABS-CBN sa Lunes, Setyembre 25.

'THE GOOD SON' copy

Pero nabitin ang lahat dahil tatlong episodes lang ang napanood, pero siksik, napakaganda ng kuwento, at ang gagaling umarte ng cast.

Human-Interest

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya

Ang tanging gusto ni Victor Buenavidez (Albert Martinez) ay magkaroon ng masaya at buong pamilya, pero umalis ng bahay dahil sa hindi nila pagkakaintindihan ng asawang si Olivia Gesmundo-Buenavidez (Eula Valdez) nang mawala ang panganay nila. Nagpunta sa probinsiya ng Quezon si Victor at nakilala ang probinsiyana at magbubukid na si Racquel Reyes-Santiago (Mylene Dizon) na isang single mom at kasama ang amang si Matias (Ronnie Lazaro).

Nagkasakit si Victor kaya nagtagal siya sa lugar ni Mylene, nabighani at nahulog ang loob sa pag-aasikaso sa kanya hanggang sa may mamagitan na si Joseph “Jopet” Reyes Buenavides (Joshua Garcia) ang naging bunga.

Nang malaman ni Racquel na buntis siya ay tinawagan niya si Albert na ang nakasagot ay ang asawa nitong si Olivia, at dito nalaman ng dalawang babae ang katotohanan.

Nagkabalikan na sina Victor at Olivia pero hindi pa rin matapus-tapos ang away nila lalo’t pareho naman nilang alam na may Mylene sa pagitan nila.

Lumaki si Jopet na hindi kilala ang ama at dahil binibili na ng gobyerno ang taniman nila, ibinenta na nila ito at lumuwas ng Maynila para magsimula ng panibagong buhay.

Gustong mag-aral at makatulong si Jopet sa pamilya kaya namasukan bilang kargador ng semento sa kumpanyang hindi niya alam na pag-aari ng ama.

Hindi sinasadyang nabunggo ni Jopet si Albert at lukso siguro ng dugo kaya naging interesado ang huli sa hindi pa nakikilalang anak.

Nang malaman nito ang pangalan niya, na-curious si Victor at inihatid ito sa bahay, kaya muli silang nagkita ni Racquel bagamat hindi sila nag-usap. Bumalik si Victor at inabutan sila ni Jopet na magkayakap. Noon nalaman ni Jopet na tatay niya ang boss niya sa kumpanyang pinapasukan. Galit na galit si Jopet sa paniniwalang niloko silang mag-ina dahil may pamilya na pala ang ama.

Bago namatay, dinalaw ni Victor ang mag-ina at nangakong babawi siya sa pagiging ama sa anak pero iyon na pala ang huli nilang pagkikita.

Sa legal na pamilya ay lumaki ang magkapatid na Lorenzo (Jerome Ponce) at Calvin (Nash Aguas) na ang tingin sa ama ay ideal husband/father. Wala silang kaalam-alam na may kapatid sila sa labas.

Tanging sina Eula at Atty. Anthony Santiago (John Estrada) lang ang nakakaalam tungkol kina Mylene at Joshua.

Nalaman ng magkakapatid nang mamatay ang ama na may ibang pamilya ito, nang basahin na ng Tito John nila ang last will and testament ng ama dahil pinapunta ang mag-inang Racquel at Jopet.

Nagkaroon ng parunggitan, sabihan ng masasakit na salita, panlalait na walang karapatang makihati sa mana ang anak sa labas, bagay na kinontra ng lawyer dahil pantay ang hatian sa mama ng magkakapatid at maging ang babaeng naging kabit ay binigyan din ng pabuya sa magandang pagpapalaki ng anak, bagay na lalong ikinagalit ng legal na pamilya ni Victor.

Napakaganda ng eksena nina Mylene, Eula, Jerome, Nash, Josh, John at ang lola ng mga bata na si Liza Lorena habang magkakaharap sila sa mesa pagkatapos basahin ang last will and testament ni Albert.

Kasama rin si Mccoy de Leon bilang kuya ni Jopet at anak din ni Mylene sa ibang lalaki.

Family driver nina Olivia at Victor si Dado (Jeric Raval) na asawa si Kathleen Hermosa at anak naman nila si Loisa Andalio na love interest ni Jopet na kalaunan ay makikitang inuutusan lang ni Lorenzo.

Magkakaklase at shoulder to cry on ni Calvin si Justine (Alexa Ilacad) na anak nina Dado at Kathleen. May sarili ring problema si Calvin sa pagkamatay ng ama.

Palaisipan at puwedeng maging suspect ang lahat sa pagkamatay ni Victor na namatay sa lason. Kung bakit namin nasabi ito, panoorin ang The Good Son mula sa Dreamscape Entertainment sa direksiyon nina Andoy Ranay at Manny Palo.