Sa kabila ng pagpayag ng Fifth Division na makalaya sa kulungan si dating senador Jose "Jinggoy" Estrada matapos magbayad ng P1.330 milyong piyansa para sa kasong plunder, dapat pa ring pagkatiwalaan ang Sandiganbayan justices, ayon kay Ombudsman Special Prosecutor Edilberto Sandoval.

Sa press conference na ginanap kahapon sa Office of the Ombudsman sa Agham Road in Quezon City, sinabi ni Sandoval sa mga mamamahayag na hindi nawala ang tiwala niya sa institusyon sa kabila ng Estrada resolution.

“I still trust that the Sandiganbayan cannot be controlled by politics,” aniya.

Umaasa si Sandoval, dating Presiding Justice ng Sandiganbayan, na mababawi ang pagbigay ng piyansa kay Estrada dahil maghahain na sila ng motion for reconsideration (MR).

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa kanilang MR, igigiit ni Sandoval at ng kanyang grupo na hindi maaaring ang “main plunderer” doctrine kay Estrada dahil siya ay co-accused kasama ang ilang pribadong indibidwal, gaya ni Janet Lim Napoles, sa multi-million priority development assistance fund (PDAF) scam.

Inaakusahan si Estrada na nagbulsa ng P183 milyon para sa pag-eendorso sa pekeng non-government organizations (NGOs) ni Napoles. Ngunit sa kanyang bid for bail, sinabi ni Estrada na hindi siya maaaring ituring na “main plunderer”. Ipagpalagay man na sangkot nga siya, hindi lamang si Estrada ang gumawa nito, kundi ang iba pang mga mambabatas.

Ngunit sinabi ni Sandoval na hindi maaaring gamitin ang argumento sa kaso ni Estrada dahil itinuturo siyang co-conspirator sa PDAF scam.

“The act of one is the act of one,” paliwanag ni Sandoval, idinagdag na ang mga aksiyon ng “main plunderer” ay itinuturing din na ginawa ng kanyang co-conspirators. - Czarina Nicole O. Ong