KUALA LUMPUR — Nadugtungan nina Ma. Cielo Honasan at Jeanette Aceveda ang pagdiriwang ng Team Philippines sa napagwagihang ginto at silver medal sa athletics sa ikatlong araw ng kompetisyon sa 9th Para Games sa Kuala Lumpur National Stadium.
Nakopo ni Honasan ang tagumpay sa women’s 200m T44, habang sumegunda si Aceveda sa women’s shot put F11/12 division, sapat para mahila ang kasiyahan ng 149-member Team Philippines sa biennial meet para sa mga atletang may kapansanan.
Bunsod ng panalo ni Honasan, nakakubra na ang Pinoy ng dalawang ginto para manatili sa top 5 ng medal standings.
Nasungkit ni Cendy Asusano ang unang ginto para sa delegasyon sa javelin nitong Lunes, habang nakamit ni cyclist Arthus Bucay ang ikalawang silver medal.
Naibato ni Asusano, 27, ang javelin sa layong 13.04 meters para gapiin ang kababayang si Jesebel Tordecilla (12.80m) habang pangatlo si Vietnamese Tran Thi Tu (12.66m).
Nakamit ni Bucay ang unang silver sa individual time trial bago nakaulit sa 4000 individual pursuit (C5) sa tyempong 5:15.574, sa likod ng kampeon na si Malaysian Zuhaire Bin Ahmad Tarmizi (5:06.968).
Nakamit naman ni Sunega Calizo ang bronze sa 100m freestyle S14 sa tyempong isang minuto at 15.47 segundo, habang bronze din ang relay team nina Ernie Gawilan, Gary Bejino, Roland Sabido at Arnel Aba.
“I’m grateful for the bronze because I didn’t really expect anything,” pahayag ni Calizo, 18, sa kanyang unang sabak sa biennial meet.