Ni: Tara Yap

ILOILO CITY – Aabot sa P10 milyon ang pinsala ng sunog na tumupok sa isang pamilihan sa pangunahing beach destination sa bansa, ang Boracay Island sa Malay, Aklan.

“The cost may be higher since damage assessment is still being conducted,” sabi ni Fire Insp. Sidgie Gerardo, acting fire marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Malay.

Sa panayam sa telepono, sinabi kahapon ni Gerardo na hindi pa nakapagsusumite ng mga detalyadong dokumento sa BFP ang mga nasunugan, kabilang ang mga may-ari ng mga restaurant at tindahan ng souvenir sa D’Talipapa.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Una nang sinabi ni Malay Councilor Nenette Aguirre-Graf na halos 90 porsiyento ng popular na pamilihan sa Station 2 ang nilamon ng apoy. Dagdag pa niya, ilang bahay din at isang kalapit na resort ang nadamay sa sunog.

Sinabi naman ni Pia Miraflores, executive director of business group ng Boracay Foundation Inc. (BFI), na nagpasya ang ilang nasunugang negosyante na tuluyan nang tanggalin sa serbisyo ang kani-kanilang empleyado dahil aabutin nang matagal na panahon bago muling maitayo ang mga naabong kainan at tindahan.

Dahil dito, hinihikayat ni Miraflores ang ilang establisimyento sa isla, at maging sa ibang lugar, na tanggapin sa kani-kanilang negosyo ang mga nawalan ng trabaho dahil sa sunog.