Pormal na naghain kahapon ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa P2 dagdag sa minimum na pasahe ang mga leader ng mga samahan ng mga jeepney operator at driver.

Kabilang sa mga pumirma sa petisyon sa tanggapan ng LTFRB sa Quezon City ang mga leader ng Pasang Masda, Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Alliance of Transport Operators & Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), League of Transport Operators of the Philippines (LTOP), at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP).

Mula sa P8 na minimum na pamasahe, hinihiling ng mga nabanggit na transport group na maging P10 na ang pasahe sa jeepney.

Saklaw ng fare hike petition ang Metro Manila at Regions 3 at 4.

National

Davao Occidental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Iginiit ng mga jeepney operator at driver na kailangan nang itaas ang pasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo at spareparts ng sasakyan.

Humingi rin ang mga nasabing grupo ng pang-unawa sa mga pasahero, at sinabing matagal na rin silang nagtitiis sa kakarampot na perang naiuuwi nila sa kani-kanilang pamilya matapos ang maghapon o magdamag na pamamasada.

Samantala, sinabi ni LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada na masusing pag-aaralan ng ahensiya ang petisyon dahil “3.2 million passengers” ang maaapektuhan sa taas-pasahe.

Aniya, iimbitahan ng LTFRB ang grupo ng mga commuter sa pagdinig sa Miyerkules, Setyembre 27, kaugnay ng petisyon. - Jun Fabon at Alexandria Dennise San Juan