PROUD ILOCANA! Ibinida ni Mary Queen Ybañez ng San Fernando City, La Union, ang bronze medal na napagwagihan niya sa archery event ng 29th Southeast Asian Games kamakailan sa Kuala Lumpur, Malaysia. (ERWIN BELEO)
PROUD ILOCANA! Ibinida ni Mary Queen Ybañez ng San Fernando City, La Union, ang bronze medal na napagwagihan niya sa archery event ng 29th Southeast Asian Games kamakailan sa Kuala Lumpur, Malaysia. (ERWIN BELEO)

Ni ERWIN BELEO

SAN FERNANDO CITY, La Union – Pinatunayan ni Mary Queen Ybañez na hindi hadlang ang karamdaman para makibaka sa buhay at magtagumpay.

Sa kabila ng pagkakaroon ng ‘astigmatism’ – isang kondisyon na panlalabo ng paningin nagawa ng 19-anyos mula sa San Fernando, La Union na mapabilang sa National Archery Team na nagwagi ng bronze medal sa women’s recurve category sa katatapos na 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Matagal ko na kasi ito ginagawa sa paglalaro ng archery at nag start ako 11 years old malinaw pa ang mga paningin ko,” pahayag ni Ybañez.

Para sa tamang target, ginagamit umano niya ang pagdama sa pulso at paganinag sa kulay ng target sa 70-meter distance match.

Kasama ang mga kasanggang sina Kareel Hongitan ng Baguio City at Nichole Tagle ng Dumaguete City, nakopo ng archery women’s team ang ikaapat na bronze medal sa kanilang event sa biennial meet.

“Ang sarap pala ng feeling na makasampa sa podium at makitang kasamang itinataas ang Philippine flag, grabe ang saya na manalo at first time na sumali sa SEA Games,” aniya.

Ginapi ng Team Philippines ang Vietnam archery team, (6-0), (51-44, 50-47, 55-47).

Naikuwento ni Ybañez na ang madalas na pagbabasa kahit sa madilim na kapaligiran ang isa sa naging dahilan sa pagkasira ng kanyang paningin. Para mapalinaw ang paningin kailangan niyang magsuot ng salamin sa mata papasok sa eskwelahan.

Ngunit, sa kompetisyon, wala siyang gamit na proteksyon sa mata.

“Binabase ko nalang po sa kulay yung target kahit malabo sa paningin ko,” aniya.

Sa apat na magkakapatid na pawang nasa sports, siya lamang ang nagkainteres sa archery na nagustuhan niya nang magaral ng high school sa Lorma High School.

Pansamantala siyang huminto sa pag-aaral sa Lorma Colleges sa kursong Bachelor of Arts in Psychology para makapaghanda sa SEA Games.

Maituturing multi-medalist si Ybanez na nakapaguwi ng kabuuang 14 gintong medalya sa dalawang edisyon ng Palarong Pambansa (2013-2014) at silver medal sa 2017 National Youth Games.