May ulat ni Bella Gamotea
MEXICO CITY (AP) – Hindi nagpapahinga sa paghuhukay ang mga pulis, bombero at karaniwang mamamayang Mexican sa mga gumuhong eskuwelahan, bahay at mga gusali kahapon ng umaga, para maghanap ng mga nakaligtas sa pinakamalakas na lindol na tumama sa Mexico sa loob ng maraming dekada. Umabot na sa 248 ang kumpirmadong nasawi sa kalamidad.
Nagdagdag sa lungkot ang makapanindig balahibong katotohanan na tumama ang magnitude-7.1 na lindol nitong Martes sa mismong ika-32 anibersaryo ng lindol noong 1985 na pumatay ng libu-libo. Ilang oras bago ang pagyanig, nagdaos ang mga tao sa buong Mexico ng mga earthquake drill para markahan ang petsa.
Isa sa pinakadesperadong rescue efforts ang ginawa sa isang primary at secondary school sa katimugan ng Mexico City, kung saan gumuho ang isang bahagi ng tatlong palapag na gusali.
Iniulat ng Education Department nitong Martes ng gabi na 25 bangkay ang narekober sa gumuhong paaralan, apat dito ay mga bata.
Hindi pa malinaw kung ang mga bangkay ay kabilang sa 248 bilang ng mga namatay na kinumpirma ng federal civil defense agency.
Naunang sinabi ni President Enrique Pena Nieto, bumisita sa lugar nitong gabi ng Martes, na 22 bangkay ang natagpuan at 30 bata at walong matatanda ang iniulat na nawawala.
Sa video message na inilabas nitong Martes ng gabi, hinimok ni Pena Nieto ang mamamayang Mexican na maging kalmado at sinabing kumikilos na ang mga awtoridad upang matulungan ang 40 porsiyento ng Mexico City at 60 porsiyento ng karatig estado ng Morelos kung saan walang kuryente. Ngunit sinabi niya na, “the priority at this moment is to keep rescuing people who are still trapped and to give medical attention to the injured people.’’
Kumilos din ang mga residente sa central Mexico para tulungan ang mga apektadong kapitbahay sa pagkapatag ng dose-dosenang gusali. Sinabi ni Mexico City Mayor Miguel Angel Mancera na gumuho ang mga gusali sa 44 lugar sa kabisera pa lamang.
Iniulat ng Civil Defense kahapon ng umaga na 248 na ang kumpirmadong bilang ng mga namatay, mahigit kalahati sa mga ito ay sa kabisera.
Sinabi ng U.S. Geological Survey na tumama ang magnitude 7.1 na lindol dakong 1:14 ng gabi sa Mexcico. Nakasentro ito malapit sa bayan ng Raboso sa estado Puebla, may 123 kilometro ang layo mula sa timog silangan ng Mexico City.
Hindi ito konektado sa magnitude 8.1 na lindol na tumama noong Setyembre 7 sa southern coast ng Mexico at naramdaman din sa kabisera.
‘PINAS NAKIKISIMPATYA
Nagpaabot ng simpatya ang Pilipinas sa mga mamamayan ng Mexico kahapon.
“Our thoughts and prayers are with the people of Mexico, especially the bereaved families, who were hit and affected by a magnitude 7.1 earthquake,” pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas ang lahat ng opisyal at kawani ng Embahada ng Pilipinas sa Mexico City sa kabila ng pagkasira ng tanggapan nito.Wala pang natatanggap na impormasyon kung mayroong Pilipino na nasaktan o namatay sa sakuna.
“There has been no report of Filipino casualty as of this time,” ani Abella kahapon.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Mexico Eduardo Jose de Vega na puspusan ang pakikipag-ugnayan ng mga opisyal ng Embahada sa Filipino community sa Mexico upang mabatid ang sitwasyon at kondisyon ng mga kababayan.