GINAPI ng De La Salle-Zobel ang Adamson University, 25-11, 25-12, 20-25, 25-15, para makabalik sa winner’s circle sa girls division ng UAAP Season 80 high school volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Matapos madomina sa unang dalawang sets, nasingitan ang De La Salle-Zobel ng Adamson sa third frame bago muling nakabawi sa fourth frame upang makamit ang ikalawang panalo sa loob ng tatlong laro kasunod ng mga namumunong University of Santo Tomas at defending champion National University na may malinis na barahang 2-0.

Sanhi ng kabiguan, bumaba ang Adamson sa patas na markang 1-1.

Nakapasok naman ang University of the East sa win column matapos padapain ang Far Eastern University-Diliman sa isang 5-setter match, 25-23, 25-13, 20-25, 26-28, 15-6.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ito ang unang panalo ng Junior Lady Warriors sa tatlong laro habang bumagsak naman ang Baby Tamaraws sa ikalawang dikit na pagkabigo.

Samantala sa boys division, inangkin ng titleholder NU ang solong pamumuno makaraang iposte ang ikatlong sunod nilang panalo sa pamamagitan ng 25-17, 25-20, 25-20 pagwalis sa FEU-Diliman.

Sa iba pang laro, tinalo ng UST ang UE, 19-25, 25-21, 25-21, 25-17, para umangat sa 2-1 marka kasama ng De La Salle-Zobel, na nagtala naman ng 25-23, 25-21, 25-16 panalo kontra Adamson.

Nakamit din ng Ateneo ang una nilang panalo kasunod ng unang dalawang talo matapos igupo ang UPIS , 25-19, 25-21, 23-25, 25-20 . - Marivic Awitan