Ni: Bert de Guzman

NOONG Setyembre 11, idineklara ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na pista opisyal sa Ilocos Norte kaugnay ng ika-100 taong kaarawan ng paboritong “Anac Ti Battac” at idolo ng mga Ilocano, si ex-Pres. Ferdinand E. Marcos. May mga nagtatanong kung bukas, Setyembre 21, ika-45 taon ng deklarasyon ng martial law, ay idedeklara rin ni Mano Digong na pista opisyal. (Habang isinusulat ko ito, wala pang deklarasyon).

May nagsasapantaha na baka ideklara ito ng Pangulo bilang holiday upang maiwasan daw ang posibleng pagsiklab ng gulo bunsod ng planong protesta ng mga mamamayan, lalo na ng mga kaanak ng biktima ng martial law at kritiko ni FM. May katwiran si PRRD na ideklarang pista opisyal ang Setyembre 21, pero sana ay limitado lang ito sa Metro Manila na sentro ng mga protesta at pagkagalit sa dating diktador na bumuwag sa Kongreso, nagpasara sa mga tanggapan ng media (print, radio at TV), ginawang inutil at tuta ang Supreme Court, nagpakulong sa mga kalaban nang walang kaukulang kaso.

Maraming kabataan (maging matatanda at may gulang) ang nangawala o kaya nalibing sa limot bunsod ng martial law noon na ang pinakamakapangyarihang ahensiya ng Marcos regime ay ang Department of National Defense na hawak ni Juan Ponce Enrile at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa ilalim ni Gen. Fabian Ver. Ngayon ang PNP ang makapangyarihan at kinatatakutan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

May kapangyarihan si PDU30 na sugpuin ang kawalang-batas (lawlessness) at anarkiya kapag may mass protests sa bansa, kabilang ang deklarasyon ng batas-militar. Gayunman, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na ang posibilidad ng martial law declaration ay “malayo” o remote. Naniniwala siya na walang kakayahan ang mga protester na maglunsad ng mass actions para guluhin, sirain at takutin ang sambayanang Pilipino upang magdeklara ng ML si Pres. Rody.

Nagkaroon ng “national outrage” o pambansang pagkagalit sa ginawa ng Kamara, isang “rubber stamp” daw ng Malacañang, sa pagkakaloob ng P1,000 budget sa Commission on Human Rights (CHR) na isang constitutional body na may mandato alinsunod sa Saligang-Batas. Ito ang pangalawang “outrage” na ipinamalas ng mga Pilipino nang magpakita sila ng labis na pagkagalit sa Philippine National Police (PNP) dahil naman sa pagpatay sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos na umano’y walang awang binaril ng pulis-Caloocan habang nakaluhod at nagmamakaawang pakawalan siya dahil “May test pa po ako bukas.” Nasundan pa ito ng umano’y pagpasalang sa mga teenager na sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.

Mukhang tinablan din ng hiya ang “makapal na pagmumukha” ng Kamara, na pinamumunuan ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, nang madama nila ang pagtutol at galit ng mga mamamayan sa ginawa nila sa CHR. Akalain ninyong nanghihingi ng P678 milyon ang ahensiya para magamit sa operasyon nito, pero binigyan lang nila ng P1,000. Ikinatwiran ng mga Kagulang-Gulang na Kinatawan ng bayan na wala umanong ginagawa ang CHR kundi ipagtanggol ang mga kriminal ngunit hindi kumikibo kapag pulis at kawal ang napapatay. Ang tugon ng CHR, ang tungkulin nila ay ipagtanggol ang mga tao laban sa pang-aabuso at kalabisan ng mga tauhan ng gobyerno. Hindi nila tungkulin na habulin o usigin ang mga pumatay sa pulis o kawal sapagkat ito ay tungkulin ng PNP at ng AFP.

Tutol ang Senado sa ginawa ng Kamara sa CHR. Ibibigay nila ang... budget ng CHR para sa 2018 na mahigit P600 milyon.

May hinala ang mamamayan na kaya binigyan ng P1,000 budget ang ahensiya ay bunsod ng pahayag noon ng Pangulo na dapat ay buwagin na lang ito sapagkat wala naman ginagawa kundi batikusin at siraan ang administrasyon. Sa kabila ng P1,000 budget, hindi natinag ang CHR sa pagpuna sa administrasyon tungkol sa madugong giyera sa illegal drugs. Nagpalabas ng statement ang CHR noong Biyernes ng pagkaalarma sa dumaraming bilang ng kabataan na pinapatay ng pulis, riding-in-tandem at vigilantes.

Kung nagiging usung-uso ngayon ang paghahain ng impeacment complaints laban sa mga opisyal ng constitutional bodies, parang nagiging uso na rin ang paghahain ng reklamo sa Ethics Committee ng Senado. Inahinan ng reklamo si Sen. Tito Sotto sa komite dahil sa kanyang NA-ANO na pahayag laban kay ex-DSWD Sec. Judy Taguiwalo. Naghain din ng reklamo sa komite si Sen. Richard Gordon laban kay Sen. Antonio Trillanes IV dahil sa “Comite de Absuelto” statement.

Ngayon, maghahain daw ng reklamo si ex-BoC commissioner Nicanor Faeldon laban kina Sens. Panfilo Lacson at Antonio Trillanes. Ano ba ang nangyayari sa ating Kongreso? Nagiging sampera na lang ba ang impeachment complaint at Ethics complaint ngayon?