HINIMOK ng World Health Organization (WHO) ang mga gobyerno sa mundo na aksiyunan ang suliranin sa non-communicable diseases (NCDs) sa pamamagitan ng “bolder political actions” upang mailigtas ang milyun-milyong katao mula sa maagang pagkamatay.
Ang NCDs, partikular ang sakit sa puso at baga, cancer, at diabetes, ang mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa mundo at ikinasasawi ng nasa 15 milyong katao, edad 30-70, kada taon, ayon sa huling report ng WHO, ang Non-Communicable Diseases Progress Monitor 2017.
Gayunman, natuklasan ng report na hindi naging patas at hindi sumapat ang kaunlaran sa mundo upang matugunan ang apat na pangunahing risk factor ng NCD: ang paninigarilyo, hindi tamang pagkain, kawalan ng ehersisyo, at delikadong pagkalulong sa alak.
“Bolder political action is needed to address constraints in controlling NCDs, including the mobilization of domestic and external resources and safeguarding communities from interference by powerful economic operators,” panawagan ni WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus.
Idinetalye ng report ang 19 na indicator sa lahat ng kasapi ng WHO, gaya ng pagtatakda ng time-bound targets upang mabawasan ang mga pagkamatay dahil sa NCD; pagkakaroon ng mga polisiya ng mga pamahalaan upang matugunan ang NCDs; at ang pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan sa pamamagitan ng de-kalidad na pangangalagang medikal at pagkakaloob ng libreng konsultasyon at gamutan para sa mahihirap.
Pinangunahan ng Costa Rica at Iran ang 10 bansang nangunguna sa pag-aksiyon kontra NCDs, bawat isa ay nakatupad sa 15 sa 19 indicators; sinundan ng Brazil, Bulgaria, Turkey at Britain, bawat isa ay may 13 indicators; at Finland, Norway, Saudi Arabia, at Thailand, na may tig-12 naman.
Malabo pa sa ngayon kung makatutupad ang mundo sa target na itinakda ng UN Sustainable Development Goals na mabawasan ng sangkatlong bahagi ang mga pagkasawi dahil sa NCDs pagsapit ng 2030, ayon kay Dr. Douglas Bettcher, WHO director for the prevention of NCDs.
“The window of opportunity to save lives is closing,” sabi ni Dr. Bettcher. “If we don’t take action now to protect people from NCDs, we will condemn today’s and tomorrow’s youth to lives of ill-health and reduced economic opportunities.” - PNA