MISTULANG determinado si Pangulong Duterte nitong Biyernes na ihinto na ang pakikipagnegosasyon sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa pulitikal nitong sangay, ang National Democratic Front (NDF), upang matuldukan ang ilang dekada nang rebelyon ng New People’s Army (NPA).
“There will be no talks for the next five years,” sabi niya, tinukoy ang nalalabing limang taon sa kanyang termino. Binanggit niya ang komento ni Jose Ma. Sison, ang founding chairman ng CPP, na sa isang panayam noong nakaraang linggo sa Utrecht, Netherlands ay nagsabing hindi na mahihikayat pa ang mga rebeldeng Komunista na magbalik sa negotiating table.
Sa isang panayam sa PTV-4 network ng gobyerno, sinabi ng Pangulo na kung hindi na interesado si Sison sa usapang pangkapayapaan, “ayaw ko na rin”. Subalit idinagdag niya, sinumang mandirigma ng NPA na nais sumuko ay maaaring magtungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o kampo ng militar. “I will accept you… I will build houses for you. I will give you jobs.”
Gayunman, patuloy na umaasam ang Pangulo sa hinahangad niyang kapayapaan. Makaraang palayain ng NPA sa Davao ang isang pulis mula sa Davao City na tatlong buwan nitong binihag, sinabi ng Pangulo na kung nais ng NPA na ipagpatuloy ang negosasyon, “I am not averse to the idea.”
Sa unang bahagi ng buwang ito ay nagbigay ng kanyang pag-aanalisa sa sitwasyon si Sen. Gregorio Honasan, chairman ng Senate Committee on National Defense. Aniya, naniniwala ang NPA na malakas ang sandatahan nito kaya walang itong nakikitang dahilan upang isuko ang rebelyon. “Because if you are strong militarily, why will you talk? If you are weak, you want to buy time and talk. That is the general rule.”
Kung ito na ang tunay na sitwasyon sa lugar ng bakbakan, kakailanganing tumugon ng gobyerno ng puwersa, lakas, at awtoridad. Hindi matatawaran ang pinagsamang lakas ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police laban sa nagpapatuloy na mga banta laban sa pamahalaan.
Subalit higit pa sa sandatahan ang problema ng NPA. Nag-ugat ang kilusan sa kawalan ng pagkakapantay-pantay at kawalang hustisya sa mga liblib na lugar sa bansa kung saan namamayagpag ang NPA. Sa mga huling buwan ng usapang pangkapayapaan, marami nang naikasang reporma sa mga usaping ito, na hinati sa dalawang malalawak na kategorya—socio-economic at political-constitutional.
Kahit pa ipagpatuloy ng gobyerno ang opensiba ng militar laban sa NPA, marapat na ipatupad ang mga repormang panlipunan, pang-ekonomiya, at pulitikal. Darating ang araw na ang karamihan — kung hindi man lahat — ng mga dahilan ng kawalang kakuntentuhan ay tuluyan nang maglalaho, at sa pagkakataong ito, maaari na muling magpatuloy ang negosasyon at ang matagal nang inaasam na kapayapaan sa Komunistang rebelde ay tuluyan nang maisasakatuparan.