Ni: Jerry J. Alcayde
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Dinukot ang isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ng 10 hindi nakilalang armadong lalaki sa Sta. Cruz, Occidental Mindoro, nitong Lunes ng gabi.
Sa kanyang report, sinabi ni Brig. Gen. Antonio G. Parlade, Jr., commander ng 203rd Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakabase sa Mindoro, na dinukot si Jemuel F. Manlabao, miyembro ng CAFGU Civilian Active Auxillary (CAA) sa harap ng pamilya nito.
Aniya, dakong 6:00 ng gabi at naghahapunan si Manlabao kasama ang asawa at tatlong taong gulang na anak nitong babae sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Landing Pinagturilan, Sta. Cruz, nang pasukin sila ng mga armadong lalaki na nakasuot ng bonnet at puwersahang tinangay ang biktima.
Nagbanta pa umano ang mga suspek sa misis ni Manlabao bago lisanin ang lugar.