LUMUBHA na ang palitan ng banta sa pagitan ng North Korea at ng mundo, partikular na sa Amerika, Japan, at South Korea, at ngayon ay mistulang hindi na inaalintana ang pagiging sibilisado sa pandaigdigang ugnayan.
Nais nating paniwalaan ang obserbasyon ng isang pandaigdigang ahensiya sa pagbabalita na may mahabang kasaysayan ng pagpapalabas ng matitinding banta ang North Korea laban sa Amerika at sa mga kaalyado nito, ngunit hindi naman talaga tinototoo. Subalit ang huling ginawa nito na pagpapalipad ng missile sa papawirin ng Japan, partikular sa may Hokkaido patungo sa Pasipiko, ay dapat lamang na magbunsod ng pangamba.
Matapos na ipalabas ng United Nations Security Council ang ikawalong bahagi ng economic sanctions nito laban sa North Korea noong nakaraang linggo kasunod ng pagpapasabog nito ng hydrogen bomb, sinabi ng tagapagsalita ng Asia-Pacific Peace Committee ng North Korea: “Now is the time to annihilate the US imperialist aggressors. Let’s reduce the US mainland into ashes and darkness.”
Gayunman, mas marami itong partikular na babala sa Japan. Ang missile na pinakawalan nito noong Biyernes ay tumawid sa Hokkaido, ang dulong isla sa hilaga ng Japan. Kasunod nito, nagbanta ang North Korea: “The four islands of the archipelago should be sunken into the sea by the nuclear bomb of Juche. Japan is no longer needed to exist near us.”
Ang Juche ay ang pambansang polisiya ng North tungkol sa pagsasarili.
Ayon sa US Pacific Command, ang missile ng North Korea na dumaan sa Japan ay may bilis na 3,700 kilometro at bumagsak sa Dagat Pasipiko. Subalit hindi ito nagdulot ng banta sa North America, ayon sa Pacific Command.
Walang ganitong katiyakan para sa Japan. Madali lamang para sa mga missile ng North Korea ang marating ang alinmang bahagi ng Japan. Ang isang pinakawalan nitong Biyernes ay gumising sa milyun-milyong Japanese na noon ay nahihimbing, matapos silang maalimpungatan sa ingay ng sirens. Idineklara ni Prime Minister Shinzo Abe na ang Japan “will never tolerate such dangerous provocation that threatens world peace.”
Sa nakalipas na maraming taon, pinili ng Amerika at South Korea na huwag nang palakihin ang mga pagbabanta ng North Korea. Hindi lamang banta ang ginawa nito sa Japan, kundi tuwirang nilabag ang saklaw ng himpapawid nito. Ito ang kaparehong bansa na ang mga lungsod ng Hiroshima at Nagasaki ay winasak ng mga kauna-unahang atomic bomb sa mundo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Mauunawaan natin na sobrang sensitibo na ito ngayon sa mga banta ng nukleyar na armas sa kasalukuyan, at maaaring maglunsad ng sarili nitong hakbangin. “If North Korea continues to walk down this path, it has no bright future,” sabi ni Prime Minister Abe.
Sa pagbabantang palulubugin ang Japan sa pusod ng karagatan at aktuwal na pagpapakawala ng missile sa himpapawid nito, pinaigting ng North Korea ang antas ng panganib sa ating rehiyon at binigyan tayo rito sa Pilipinas ng bagong dahilan upang mabahala at matakot.