Ni: Gilbert Espena
TATANGKAIN ni dating world rated Jobert Alvarez na magbalik sa word rankings sa kanyang paghamon kay OPBF flyweight titlist Keisuke Nakayama sa Oktubre 13 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
Dating nakalista sa halos lahat ng malalaking samahan sa professional boxing si Alvarez matapos masungkit ang WBC Continental Americas at WBO NABO flyweight titles sa mga laban sa Mexico at Puerto Rico.
Pero biglang siyang nawala sa eksena nang ma-upset ni American Puerto Rican Miguel Cartagena via 1st round TKO sa sagupaan sa Kissimmee, Florida sa United States kaya nagbalik ng Pilipinas at nagtala ng mga panalo sa puntos sa mga beteranong sina Rodel Tejares at Roque Lauro kaya nabigyan ng pagkakataon sa regional crown ng WBC.
Natamo naman ni Nakayama ang OPBF title sa kontrobersiyal na 12-round split decision laban kay one-time world title challenger Richard Claveras na isa ring Pilipino sa sagupaan noong nakaraang Hunyo 13 sa Tokyo, Japan.
May rekord si Nakayama na 10-2-1 na may 4 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Alvarez na may 17-2-1 na may 7 panalo sa knockouts.