Ni: Ric Valmonte

“STOP the killings! Never again to tyranny and dictatorship.”

Ito ang pinakatema ng malaking rally na pinaplanong isagawa ng Movement Against Tyranny sa Setyembre 21. Itinaon nila sa ika-45 taon ng pagdeklara ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang kilusang magsasagawa ng kilos-protesta ay binubuo ng mga nagsanib na grupo ng makakaliwa at oposisyong karamihan ay nilabanan ang diktaduryang Marcos. Ayon sa kanila, ipoprostesta nila ang war on drugs ni Pangulong Duterte at ang hilig niya umano na maging diktador.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nagbanta ang Pangulo na hindi siya mangingiming ideklara ang batas militar sa buong bansa kapag ang rally ay naging magulo at nagdulot ng rebelyon. Pero sa panayam sa kanya sa telebisyon, sinabi niya na hindi naman siya maaapektuhan ng protesta dahil hindi naman na siya kandidato sa eleksiyon.

“Pagpapakitang takot sa sarili niyang multo ang pagbabanta ng Pangulo na siya ay magpapataw ng malawakang martial law sa bansa,” wika ng human rights group na Karapatan. Ayon naman kay Bayan Secretary General Renato Reyes, pananakot ng Pangulo sa mga lalahok sa rally ang pagsasabi niya na magiging marahas ito.

Hindi inaasahan ng Pangulo na may ganitong rally na mangyayari laban sa kanya. Kasi naman, hanggang ngayon ay napakataas ng kanyang approval rating, kung paniniwalaan mo ang sunud-sunod na naglabasang survey.

Kapag naipakita ng taumbayan ang kanilang lakas sa ikinakasa nilang malaking rally, na mangyayari sa kauna-unahang pagkakataon simula nang maupo ang Pangulo, magiging isyu ang katapatan ng survey.

Hindi puwedeng napakataas ng kanyang approval rating pero napakalakas ng pagtutol ng mamamayan sa kanyang ginagawa.

Kahit ano pa man, ngayon palang ay iniinda na niya ang magiging epekto ng rally sa kanya. ... Kaya, iyong mga palusot niya na hindi siya maaapektuhan nito dahil hindi naman siya kandidato at iyong pabiro niyang sinabi na kung gusto ng mga rallyista ay sunugin nila ang kanyang effigy. Sa kabila ng kanyang mga pagmumura at galit sa kanyang mga nakukukursunadahan, natatauhan na siya na ang pagpatay ay hindi paraan ng pamamahala lalo na kung salat ito sa katapatan sa itinataguyod niyang layunin.

Natauhan na rin ang sambayanan. Ayaw na nilang tanggapin na normal sa kanilang buhay ang nangyayaring araw-araw na patayan. Ayaw na rin nilang maduwag sa gitna ng mga nagaganap na ito dahil nagbubunga na ito ng maling paggamit ng kapangyarihang ipinagkaloob nila sa mga taong nagpapatakbo ng kanilang gobyerno.

Kailangang kumilos na sila para ibalik sa katinuan ang kanilang gobyerno.