Ni: Clemen Bautista
SA darating na ika-21 ng Setyembre gugunitain ang ika-45 taon ng batas militar na idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong Setyembre 21, 1972. Ang pagpapairal ng martial law sa bisa ng Proclamation 1081 ang itinuring na mapanupil, mapanikil at madilim na bahagi ng kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas at Perlas ng Silangan.
Sa pagpapairal ng martial law ni dating Pangulong Marcos, dalawang mahahalagang elemento sa buhay ng mga Pilipino ang inagaw at sinikil: ang Demokrasya at Kalayaan.
Dalawang personalidad ang pangunahing nagpatupad ng martial law: sina dating Pangulong Fidel V. Ramos, na noon ay AFP Vice Chief of Staff, at hepe ng PC-INP (Philippine Constabulary-Integrated National Police); at si dating Senador Juan Ponce Enrile, na Defense Minister naman noon. Ang press secretary naman noon diktador at tambolero ng Malacañang ay si dating Senador Francisco “Kit” Tatad; ang kanyang mukha ang laging nakikita ng mga tao sa telebisyon at naririnig na nagbabalita ng mga Presidential Decree at mga General Order na nilagdaan at ipatuatupad ni dating Pangulong Marcos.
Matatandaan ding bago nagdeklara ng martial law si dating Pangulong Marcos ay nagdrama pa si Enrile na siya’y inambush sa Greenhills sa Mandaluyong, Rizal (hindi pa lungsod noon ang Mandaluyong, at isa sa mga bayan ng Rizal).
Ayon sa kasaysayan, ipinahayag at ipinatupad ang batas militar noong hatinggabi ng Setyembre 22, 1972. Ang naging legal na batayan nito ay ang probisyon ng Article VI, Section 10 ng 1935 Constitution.
Binanggit pa ng diktador na ang martial law ay hindi military takeover. Ang Pangulo, bilang halal na puno ng Republika, ay ginagamit lamang ang militar upang ipagsanggalang ang Republika at Demokrasya. Ikinatwiran ang nangingibabaw umanong state of rebellion o paghihimagsik sa Pilipinas at nasa panganib ang Republika. Kinatigan ito ng Korte Suprema sa desisyon nito noong Disyembre 1972. Lumala raw noon ang panganib at lumawak ang rebelyon.
Nang maideklara ang martial law, sa paglagda sa tatlong General Order ng diktador, naipasara niya ang mga istasyon ng telebisyon, radyo at mga pahayagan. Gayundin ang Kongreso. Nakontrol ang Korte Suprema at nawalan ito ng kapangyarihan na kuwestiyunin ang mga Presidential Decree na nilagdaan ng diktador—kumbaga sa tao ay napipindot ang ilong at napipilipit ang tainga.
Naipadakip nang walang warrant of arrest at naipakulong ang lahat ng mga kalaban sa pulitika ng Pangulong Marcos na sina Senators Ninoy Aquino, Jr., Jovito Salonga, Jose W. Diokno, Francisco “Soc” Rodrigo, Ramon Mitra, Jr. at iba pang mambabatas. Dinakip at nakulong ang magigiting at makabayang broadcast journalists na sina Orly Mercado (naging senador), Louie Beltran, Max Soliven, Jose Marie Velez at iba pa. Dinakip din at ikinulong ang kabataang lalaki at babae, lider-manggagawa, estudyante, mga pari at madre at lider-relihiyoso. Marami ring pinatay at dinukot ang militar na hindi natagpuan. Nariyan din ang mga Desaparecidos, o ang mga naglaho na hindi mabatid kung saan sila pinatay at inilibing nang walang kabaong.
Maraming naiwang alaala ang martial law ni Marcos. Dusa, pait, lungkot at dalamhati. Nalubog sa utang ang Pilipinas.
Namumuni o nagsiyaman ang mga alipores ng diktador. Nakagawa ng mga behest loan. Ang iba sa kanila’y nakabalik sa pamahalaan at sa Kongreso.
Sa Rizal, mahirap nang malimot ang martial law sapagkat sa pamamagitan lamang ng isang Presidential Decree, naagaw ang 12 mauunlad na bayan ng... lalawigan. Isinama ang mga ito sa binuong Metro Manila upang maging governor at magkaroon lamang ng sariling poder at kapangyarihan ang dating First Lady at Congresswoman ngayon na si Imelda Romualdez Marcos.
Ngunit lahat ay may katapusan. Pinabagsak ng EDSA People Power Revolution ang 14 na taon ng diktaduryang Marcos noong Pebrero 22-25, 1986, na ang tanging sandata ng mga Pilipino ay pagkakaisa, dasal, imahen ng Mahal na Birhen, at mga bulaklak na itinapat sa bibig ng baril ng mga sundalo.
Sa paggunita sa ika-45 taon ng martial law, asahan na may mga kilos-protesta, rally na gagawin ang mga militanteng grupo at iba pa nating kababayan. Sa paggunita, bibigyang-pugay at aalalahanin ang mga biktima ng martial law at ang mga nabubuhay pang biktima na ang mga buhok ay kasimputi na ng mga bulaklak ng talahib. Babatikusin din ang mga nagaganap sa rehimeng Duterte.