Ni: Celo Lagmay
DAHIL sa magkakasalungat na pangangatwiran sa sinasabing pagkakait sa media ng spot report ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa maigting na operasyon sa paglipol ng illegal drugs, naniniwala ako na lalo ring umigting ang tahasang pagsikil sa karapatan sa pamamahayag. Bilang isang masugid na tagapagtaguyod ng press freedom, ang naturang spot report—at ang anumang operasyon ng PNP at ng mismong administrasyon—ay hindi dapat ilihim sa media at sa sambayanan maliban kung ang mga ito ay may kaugnayan sa pambansang seguridad.
Ang nabanggit na pagkakait ng spot report ay minsang nalantad sa isang Senate public hearing nang hiniling ng ilang mambabatas sa PNP na sila ay mabigyan ng nasabing dokumento. Maliwanag ang pahiwatig ni PNP Director General Ronald dela Rosa: Marapat na siya ay humingi muna ng clearance o pahintulot kay Pangulong Duterte. Hindi ko matiyak kung ang nasabing spot report ay naipagkaloob na sa Senado at sa Kamara. Isinasaad sa spot report ang mga detalye ng asunto, paraan ng pagdakip sa mga suspek, sistema ng operasyon ng pulisya, lalo na ang tungkol sa sinasabing extra-judicial killings (EJK).
Ang gayon ding pagkakait sa police spot reports ang pinalagan ng ating mga kapatid sa media. Dapat lang asahan ang kanilang pag-alma lalo na kung isasaalang-alang na pangunahing misyon ng mga mamamahayag ang pangangalap ng makabuluhang mga impormasyon na dapat malaman ng sambayanan. Sa pagkakait ng nasabing dokumento, walang alinlangan na may ibig ilihim ang mga alagad ng batas.
Maaaring imatuwid ng PNP na may maseselang detalye sa mga spot reports. Sa aking karanasan bilang isa ring reporter at editor, natitiyak ko na matalino ang ating mga kapatid sa propesyon sa pagtimbang at pagsusuri sa anumang dokumento. Ibig sabihin, nauunawaan nila ang kahulugan ng tinatawag na security classification: restricted, confidential, secret o top secret. Batid nila kung anu-anong detalye ang kanilang susulatin. At lalong alam ng... mga editor ang mga detalye na dapat lamang ilathala. Sa madaling salita, bahagi ito ng pinahahalagahan nating responsible journalism. Walang dahilan, kung gayon, upang yurakan ang ating karapatan sa malayang pag-uulat.
Ang ganitong mistulang paglilihim sa media—at sa mga mamamayan—ng makatuturang mga dokumento ay isang malaking kabalintunaan o irony; taliwas ito sa Executive Order na nilagdaan ni Pangulong Duterte hinggil sa pagpapairal ng Freedom of Information sa Tanggapan ng Pangulo. Bagamat hindi nasasakop ng naturang utos ang lahat ng kagawaran ng gobyerno, sapat nang dahilan ito upang matauhan ang PNP at iba pang security agency sa Office of the President na igalang ang karapatan sa pamamahayag. Bahagi ito ng transparency policy ng pamahalaan na ipinangangalandakan ng Pangulo.