Ni: Ernest Hernandez
NAGLULUKSA ang basketball community sa biglaang pagpanaw ni dating PBA player Cristiano “Cris” Bolado matapos ang aksidente sa motorsiklo habang nagbabakasyon sa Cambodia nitong Linggo ng umaga.
Kinumpirma nang kanyang mga kaanak sa Facebook page ang trahedya. Isinasaayos na ng kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa Phnom Penh, Cambodia ang mga labi ng 6-foot-6 forward. Itinakdang ilagak ang kanyang mga labi sa Lucban, Quezon.
Itinuturing ‘winningest player’ si Bolado, tanyag bilang ‘Jumbolado’, sa kanyang PBA career tangan ang 11 kampeonato.
Nakasama siya sa 10 sunod na finals mula 1994 Commissioners Cup hanggang 1997 Commissioners Cup.
Nakuha siya bilang 13th overall (2nd round) ng Alaska noong 1994 PBA draft at nagpalipat-lipat sa limang koponan bago nagretiro matapos ang siyam na season boong 2003.
Bahagi siya ng 1996 Alaska grand slam. Nagwagi rin siya ng dalawang kampeonato ng San Miguel at Coca-Cola at nakaisa sa title quest ng Purefoods at Gordon’s Gin.
Mula sa basketball, nagkaroon din ng pagkakataon si Bolado sa showbiz bilang castaway sa Survivor: Palau. Nakikiisa rin siya sa basketball clinics.