Ni: Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Fil-Oil Flying V Center)

12 n.h. -- EAC vs JRU (jrs/srs)

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

4 n.h. -- Arellano vs Letran (srs/jrs)

MANATILING nasa top four para patuloy na palakasin ang tsansang umusad sa semifinal round ang tatangkain ng Jose Rizal University, Letran at Emilio Aguinaldo College sa double-bill ng NCAA Season 93 basketball tournament ngayon sa Fil-Oil Flying V Center.

Nakatakdang magtuos ang EAC Generals at JRU Heavy Bombers sa unang laro ganap na 2:00 ng hapon pagkatapos ng salpukan ng kani-kanilang junior squads bago ang pagsalang ng Letran Knights kontra Arellano University Chiefs ganap na 4:00 ng hapon.

Patatatagin ng Heavy Bombers ang kinalalagyan sa No.3 hawak ang 7-4 karta, habang patitibayin ng Generals at Knights ang kapit sa ika-apat na puwesto kasalo ng San Sebastian College taglay ang barahang 5-6.

Galing ang Heavy Bombers sa 77-68 na paggapi sa Letran upang makabalik sa winner’s column pagkaraang putulin ng Arellano ang kanilang 4-game winning streak sa simula ng second round.

Sa panig ng katunggaling Generals, ayon kay coach Ariel Sison ay sisikapin na lamang nilang maipanalo ang mga larong kaya nilang ipanalo lalo ngayong dalawang key players nila ang hindi na makakalaro hanggang matapos ang season dahil sa injury.

Kasunod ng na-ACL nilang Cameroonian big man na si Hamadou Laminou, “out for the rest of the season” na rin si Juju Bautista ayon kay Sison dahil sa natamo nitong “shoulder injury”.

Sa tampok na laban, kapwa galing sa kabiguan sa unang laro nila ngayong second round, mag-uunahang makabalik ng winning track ang Chiefs at Knights.

Tatangkain ng Chiefs na maipaghiganti ang natamong 75-82 na pagkatalo nila sa first round upang makaahon sa kinalalagyang 5th spot kasalo ang Perpetual Help hawak ang barahang 4-7.